Pagtaas ng Dengue cases, bantayan!
ni Ryan Sison - @Boses | June 2, 2022
Uso na naman ang iba’t ibang sakit na dala ng tag-ulan.
Nariyan ang lagnat, ubo at sipon, diarrhea at leptospirosis. Kabilang din ang dengue, kung saan sa kasalukuyan ay mahigpit na binabantayan dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso sa tatlong rehiyon.
Base sa datos ng Department of Health (DOH), ang mga naturang rehiyon ay Region 3 (Central Luzon), Region 7 (Central Visayas) at Region 9 (Zamboanga Peninsula), kung saan nasa 6,622 dengue cases ang naitala sa bansa mula Abril 10 hanggang Mayo 7. Sa naturang bilang, 908 kaso o 14% ang mula sa Region 8, 881 kaso o 13% ang mula sa Region 7 habang 593 cases o 9% ang mula sa Region 3.
Matatandaang, unang iniulat ng DOH na nakapagtala sila ng pagtaas ng dengue cases mula noong katapusan ng Marso.
Sa datos, mula Marso 20 hanggang Abril 30, nasa 11,435 dengue cases ang naitala. Bagay na 94% mas mataas kumpara sa parehong petsa noong nakaraang taon na nasa 5,901 lamang.
Dahil dito, patuloy ang paalala ng DOH sa publiko na magpraktis ng 4S behaviors upang labanan ang dengue, kabilang dito ang “Search and destroy breeding places; Secure self-protection; Seek early consultation; at Support fogging o spraying in hotspot areas”.
Habang tutok ang lahat sa pagtaas ng COVID-19 cases, bigyang-pansin din natin ang iba pang sakit tulad ng dengue. Bagama’t tatlong rehiyon pa lamang ang nakakapagtala ng pagtaas ng kaso, sana’y handa rin ang iba pang mga lugar.
Kadalasang biktima ng dengue ay mga bata, kaya pakiusap sa mga magulang, panatilihing malinis ang inyong lugar. Panawagan din sa mga lokal na pamahalaan, magsagawa ng clean-up drive, lalo na sa mga lugar na malapit sa estero na madalas pamahayan ng mga lamok.
‘Ika nga, karaniwang sakit na ang dengue at kadalasang tumataas ang kaso nito tuwing tag-ulan, kaya naman ang tanong sa mga pagamutan, handa na ba ang mga pasilidad at kakayanin nating tumugon sa mga magkakasakit?
Sana ay natuto na tayo na napakalaking tulong ng pagiging handa, kaya sa pagkakataong ito, dapat alam natin ang mga angkop na hakbang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments