Pagsusuot ng kulay berde at dilaw, daan upang matagpuan si ‘The One’
- BULGAR
- Sep 8, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | September 8, 2023
Dear Maestro,
Totoo pala na ang mga isinilang sa birth date na 2 ay mahihina ang loob. Isinilang ako noong July 20, 1989 at hanggang ngayon ay wala pa rin akong nagiging girlfriend at baka hindi na rin ako makapag-asawa.
Hindi ko alam kung bakit ganito ang love life ko. Bukod kasi sa mahina ang loob, mahiyain din ako, kaya umabot ako sa ganitong edad na wala pa ring girlfriend. Samantala, ‘yung mga kaibigan ko ay may kani-kanyang ng mga asawa’t anak.
Naisipan kong kumunsulta sa inyo, Maestro, upang itanong kung kailan kaya ako magkakaroon ng dyowa dahil sa edad kong na 34, gusto ko rin sanang mag-asawa dahil may stable job na rin naman ako.
Umaasa,
Sam ng San Roque, Cubao, Quezon City
Dear Sam,
Sadyang magulo at matumal ang dating sa iyo ng pakikipagrelasyon, dahil sa birthday mong July 20, na nasa pagitan ng zodiac sign na Cancer at Leo.
Bukod sa mahina ang loob mo dahil sa birth date mong 20 o 2 (ang 20 ay 2+0=2) mahiyain, emosyonal at magulo rin ang iyong pagkatao dahil sa dalawang zodiac sign, unconsciously hindi mo pa matiyak kung ikaw ba ay mas naiimpluwensyahan ng Cancer o Leo.
Gayunman, upang mas madali nating matiyak kung anong zodiac sign ang mas nakaka-impluwensya sa iyo, subukan mong tingnan o silipin ang iyong mga damit. Bilangin mo ito isa-isa, at kung mas marami kang dilaw na damit, ipagpalagay natin na ikaw ay tunay na Leo. Pero, kung mas marami ang kulay berde, tiyak na mas nananaig sa pagkatao mo ang pagiging isang Cancer.
Kailangan nating malaman ang nabanggit na pagsusuri, upang mabatid natin kung sinong babae ang dapat mong ligawan.
Samantala, kung higit nananaig sa iyong pagkatao at kapalaran ang pagiging Leo ka-compatible mo ang mga babaeng isinilang sa zodiac sign na Aries, Sagittarius at kapwa mo Leo, higit lalo silang isinilang sa petsang 8, 17, 26, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, at 31.
Samantala, kung mas nanaig sa iyo ang zodiac sign na Cancer, ka-compatible mo naman silang mga isinilang sa zodiac sign na Scorpio, Pisces, Cancer, at Virgo, higit lalo silang isinilang sa petsang 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29.
Anuman ang mangyari, lagi kang mag suot ng kulay berde at dilaw, sa edad mong 34 pataas, tiyak ang magaganap bago sumapit ang pasko, magkaka-girlfriend ka na, hatid ng isang babaeng isinilang sa buwan ng Marso at ang nasabing relasyon ay magiging seryoso at pangmatagalan hanggang sa tuluyan na kayong makabuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments