Pagsusuot ng facemask, ‘di na dapat ipaalala, magkusa na!
ni Ryan Sison - @Boses | June 09, 2021
Pagsusuot ng facemask at face shield, social distancing at tamang sanitation ang ilan sa mga umiiral na health protocols kontra COVID-19.
Sa mahigit isang taong pakikipaglaban sa pandemya, malamang ay alam na alam na ito ng lahat, pero dahil karamihan sa ating mga kababayan ay sadyang pasaway, tila nakalilimutan na ng iba na sumunod sa mga protocols. Sa araw-araw na paninita sa mga violators, ang hindi pagsusuot ng facemask ang isa mga madalas na nilalabag.
Kaugnay nito, tumaas pa umano ang bilang mga naarestong hindi nagsusuot ng facemask mula Mayo 31 hanggang Hunyo 6.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, karamihan sa mga naaresto ay nabigyan ng warning, habang ang iba naman auy pinagmulta depende sa ordinansa sa ibang mga lugar at ang iba ay pinag-community service.
Kahit patuloy ang paalala at pagdidisiplina sa mga naunang lumabag, nakadidismaya na patuloy din sa pagbalewala ang ilan nating mga kababayan.
Kung tutuusin, hindi na dapat ipaalala na kailangang magsuot ng facemask dahil matagal na natin itong ginagawa, pero dahil talagang walang kadala-dala ang iba, heto at sakit pa rin sa ulo ang mga pasaway na ito. ‘Yung iba naman, nakampante na dahil may bakuna naman at marami na ring naturukan.
Paalala sa lahat, hindi lamang sarili ang inilalagay sa panganib dahil ang inyong mga nakasasalamuha ay ganundin.
Gayunman, pakiusap pa rin sa mga kinauukulan, pag-aralan kung paano mapasusunod ang mamamayan. Kung todo-sikap tayong mabakunahan ang taumbayan, dapat din nating matiyak na sumusunod pa rin ang mga ito sa mga ipinatutupad na health protocols.
Tandaan na hindi pa rin dapat balewalain ang mga hakbang na ito hangga’t nakikipaglaban tayo sa pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments