Pagsisimula ng klase, tiyaking handa ang mga estudyante

ni Ryan Sison @Boses | July 17, 2024

Naglabas na ng guidelines sa pagsasagawa ng mga aktibidad para sa Academic Year 2024-2025 ang Department of Education (DepEd).
Sa ilalim ng Department Order 009 series of 2024, opisyal na magbubukas ang school year sa July 29, 2024 at magtatapos naman sa April 15, 2025.
Mananatili pa rin ang in-person learning bilang pangunahing paraan ng pagtuturo o learning delivery modality (LDM).
Ang iba pang mga mode gaya ng blended learning at full distance learning ay maaari pa ring ipatupad habang nananatiling may bisa ang Department Order 44 series of 2022.
Ipinapatupad ang blended learning kapag nagdeklara ng suspensyon o kanselasyon ng mga klase ang mga otorisadong tanggapan, kabilang ang mga local government units (LGUs) dahil sa kalamidad at emergencies para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, mga guro at non-teaching personnel.
Sa ganitong pagkakataon, ang mga guro ay kailangang magbigay ng home learning task sa mga estudyante na angkop sa mga partikular na pangangailangan ng mga ito at sitwasyon sa kani-kanilang lugar.
Maaari ring ipatupad ang full distance learning dahil nananatiling epektibo naman ang DO 44 s of 2022.
Matatandaang itinakda ng DepEd ang Brigada Eskwela noong July 22-27, habang ang Oplan Balik Eskwela ay mula July 22-August 2, 2024.
Ang midyear school break ay itinakda naman sa November 25-29, habang ang Christmas break ay magsisimula sa December 21, 2024. At magpapatuloy ang mga klase sa January 2, 2025. Habang isasagawa ang End-of-School-Year rites mula April 14-15, 2025.
Para sa mga private school, state/local universities and colleges (SUCs/LUCs), maaari nilang i-adopt ang naturang implementing guidelines sa school calendar at dapat na sundin ang mga probisyong nakasaad sa RA 11480 na may kinalaman sa required number ng class days at pagbubukas ng school year.
Mainam at maagang naglabas ang kagawaran ng nakatakdang mga activity para sa school calendar 2024-2025.
Dito kasi nakasalalay ang paghahanda ng mga estudyante sa muli nilang pagsabak sa kanilang mga klase.
Gayundin, nais na rin ng karamihan na maibalik na sa dating iskedyul ang pasukan, kaya tama lamang na simulan na ito sa ngayon. Mas maagang pag-aaral, mas mabuti para sa ating mga mag-aaral.
Hiling lang natin sa kinauukulan na mas pag-igihan pa sana ang pagsuporta sa ating mga estudyante at mga guro upang tuluyan nang maresolba at makabawi sa krisis ang sektor ng edukasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments