Pagsisikap na higit na magkaunawaan ang mga muslim at kristiyano
- BULGAR
- Apr 24, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 24, 2023
Eid al-Fitr, gabi ng Huwebes, Abril 20 hanggang gabi ng Biyernes, Abril 21 ang pormal na katapusan ng Ramadan.
Naaalala ko ang mga kaibigan kong Muslim na sina Wadya Esmula at Taja Basman na bahagi ng MMCD o Movement for Muslim Christian Dialogue na isinilang sa UP Campus noong dekada ‘90. Masaya at mabunga ang mga gawain ng nabuong kilusan na nagtataguyod ng pagpapalitan, pag-uusap tungo sa pag-uunawaan, pagkakaibigan at pagtutulungan ng mga Muslim at Kristiyano.
Tuwing Ramadan, naaalala ko ang masasayang araw ko sa UP Diliman sa bahay nina Bing at Wadya. Maliliit pa ang kanilang dalawang anak na babae. Naaalala ko pa ang tahanan nilang pinasaya ng mga nagtatakbuhang bata.
Medyo malaki na ang mga anak nina Anne at Taha, naaalala ko ang mga pagkakataong sinasama nila ang mga ito sa mga pulong at forum ng MMCD. Mayroon pang pagkakataong sumama sina Wadya at Taha sa pagtutulak ko ng Kariton ni Maria. Nang tanungin ko kung payag ba silang sumama sa pagtutulak para sa usapin ng Kapayapaan at pagtigil ng putukan sa ilang bahagi ng kapuluan kung saan nagsasagupaan ang mga sundalo at Muslim, hindi nagdalawang salita ang dalawang Muslim. Paliwanag nilang dalawa, kinikilala ng mga Muslim si Mariam o Maria, na ina ni Hesus. Hindi na namin naipagpatuloy ang aming pag-uusap tungkol dito. Mayroon lang pangako na palalalimin namin ang aming pag-uusap at pag-unawa kay Maria sa Islam at Maria para sa mga Kristiyano.
Maganda at mahalagang naging national holiday ang Eid al-Fitr, ngunit dapat lang din magkaroon ng pagsisikap na higit na mag-usap at magkaunawaan, magkatanggapan hanggang sa maging magkakaibigan ang mga Muslim at Kristiyano. Napakalaki ng magagawa ng mga kongkretong pagtatagpo at paguusap ng mga Kristiyano at Muslim.
Mula nang mangyari ang Marawi Siege noong ika-23 ng Mayo 2017, hanggang ngayon, hindi malinaw kung ano na ang nangyari sa mga taga-Marawi. Gayundin, kung ano na ang mga programang naipatupad ng gobyerno para ibalik ang kaayusan at kapayapaan ng Marawi.
Pagkatapos ng Marawi Siege, nakilala natin si Fr. Teresito ‘Chito’ Soganub, ang paring Katoliko na naging hostage kasama ng mahigit 100 guro. Mahirap ang pinagdaanan nina Fr. Chito at ang mga kasama niyang hostage. Sa kabutihang palad, noong ika-17 ng Setyembre 2017, ika-117 araw ng kanyang pagiging hostage, nakatakas si Fr. Chito. Tatlong taon makaraan ang Marawi Siege, noong ika-22 ng Hulyo 2020, binawian ng buhay si Fr. Chito habang siya ay natutulog. Atake sa puso ang dahilan ng pagpanaw niya.
Kahit papaano, naging kaibigan ko si Fr. Chito, naimbitahan ko pa siyang manatili sa aming bahay ng ilang araw. Nagkaroon kami ng pagkakataong magkuwentuhan at manalangin para sa kapayapaan sa Mindanao. Maliit man si Fr. Chito, napakalaki ng puso niya para sa pagmamahal sa Diyos at sa pagsulong ng dayalogo tungo sa kapayapaan. Tulad nina Wajah at Taha, malaki ang naituro sa akin ni Fr. Chito tungkol sa pagsulong at pagtaguyod sa kapayapaan.
Wala nang magagawa sina Wadya, Taha at Fr. Chito para sa kapayapaan, ngunit hinding-hindi mamamatay ang kanilang alaala dahil malalim at wagas ang kanilang pagsisikap na magkaroon ng tunay at malalim na kapayapaan.
Noong isinusulat ko ang pag-alala at pagninilay na ito, nalungkot akong isipin na wala na ang aking mabubuting kaibigang Muslim. Wala na sina Wadya at Taha, wala na rin ang paring naging simbolo ng kapayapaan at kapatawaran pagkatapos ng madugo at mapanirang Siege of Marawi. Wala na si Fr. Chito Suganob.
Ngunit, nang subukan kong hanapin sa social media ang asawa ni Wadya o ang asawa at anak ni Taha, hindi ko na mahanap si Bing na asawa ni Wadya. Hindi ko rin mahanap si Anne, asawa ni Taha. Ngunit nabasa ko ang pangalang Tani, na naalala kong isa sa mga anak ni Taha. Nagpadala ako ng text na nagtatanong, “Anak ka ba ng mga kaibigan kong Taha at Anne?” Wala pang limang minuto nang natanggap ko ang kasagutan mula kay Tani, “Ako po ang panganay na anak nina Taha at Anne.” Tuwang-tuwa ako at pinadalhan ko agad ng mga text messages si Taha.
Malungkot man akong isiping wala na sina Wadya at Taha, nakataba ng pusong maka-teks si Tani.
Isang araw, alam kong magkakaroon ng pagkakataong muling pag-usapan, pagnilayan at pasalamatan ang Kapayapaan.
At ganito ang Islam, ang relihiyong ng Salaam o Kapayapaan. Naalala ko pa ang madalas naming batian nina Wadya at Taha na, “As-Salaam Alaikum,” at ang sagot na, “Wa-Alaikum-Salaam.”








Comments