top of page
Search
BULGAR

Pagsilong sa lay-by areas ng mga ‘Kagulong’, legal na

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 4, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Personal tayong dumalo sa anunsiyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa emergency lay-by areas sa ilalim ng mga flyover sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.


Nakakatuwa at nabagbag ang damdamin ng pamunuan ng MMDA sa kalagayan ng ating mga ‘kagulong’ kaya nagtalaga ng emergency lay-bys sa mga major thoroughfare na magbibigay ng temporary shelter para sa mga nagmomotorsiklo sa panahong bumubuhos ang malakas na ulan.


Medyo nagdamdam nga tayo kay acting MMDA Chairman Romando Artes noon dahil ipinahuhuli niya ang ating mga ‘kagulong’ na sumisilong sa mga flyover na ang pakay lang naman ay magpatila ng ulan o kaya ay magsuot ng kapote.


Pero ngayon ay wala na ang ating tampo sa kagawaran, lalo pa at plano nilang magtayo ng 14 motorcycle lay-bys sa ilalim ng mga flyover sa kahabaan ng EDSA, C5 at Commonwealth Avenue na posibleng magamit sa pagpasok ng Hulyo kasabay ng panahon ng tag-ulan.


Ang mga lay-by area ay magkakaroon ng sapat na espasyo para sa motorsiklo at bisikleta na may itatalagang entrance at exit signs, at magkakaroon pa umano ng mga kagamitan para sa saglit na pagkukumpuni sakaling masiraan o may problema ang motorcycle o bike.


Kasama ang ilang opisyal ng MMDA at si 1-Rider Party-list Reps. Bonifacio Bosita at ng inyong lingkod ay inikutan namin ang mga planong paglagyan ng motorcycle lay-by area sa ilalim ng EDSA-Quezon Avenue flyover.


Sa pagkakataong ito, nais nating bigyan ng pagsaludo ang pamunuan ng MMDA dahil sa isang kapaki-pakinabang na hakbangin para sa ating mga ‘kagulong’ at bilang isa ako sa tagapagtaguyod ng mga nagmamaneho ng motorsiklo sa bansa ay nais naming magpasalamat sa kagawaran.


Tumatapik tayo sa balikat ni Chairman Artes dahil naging emosyonal tayo noong ipagbawal niya ang pagsilong ng mga nakamotorsiklo sa ilalim ng mga flyover at unang-una tayo sa mga umalma hinggil dito.


Bagama’t naglabas tayo ng mga negatibong artikulo patungkol dito ay hindi naman natin pinepersonal ang MMDA — bagkus ay nagbibigay lamang tayo ng paalala para sa kapakanan ng mga motorcycle rider.


At hindi ko pinagsisihan ang ginawa nating pagpuna sa kagawaran dahil nagbunga ito ng mabuti at naantig natin ang kanilang damdamin, at ngayon nga ay may lay-by area na sa ilalim ng mga flyover.


Ganito dapat sana ang mamuno sa ating mga ahensya, na sa halip na magalit sa mga puna ay ginagawan ng positibong aksyon ang mga suhestiyon ng taumbayan.


Kaya sa ating mga ‘kagulong’ huwag kayong maging pasaway habang huwag ding abusuhin ang mga pagkakataong tulad nito na ipinagkakaloob ng pamahalaan.


Bilang kapanalig ng mga rider sa bansa ay buong puso kaming nagpapasalamat sa MMDA.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page