top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagsasapubliko ng vote buying reports, dapat lang!

BULGAR
May 19, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 19, 2022


Dapat isapubliko ng Commission on Elections (Comelec) ang mga natatanggap na ulat ng vote buying sa panahon ng halalan.


Ito ang nais imungkahi ng isang political analyst, gayung hindi naman umano ito banta sa seguridad.


Bagama’t naiintindihan nito ang Comelec na mahirap imbestigahan ang mga ulat kung walang ebidensiya, gayundin ang kakulangan ng komisyon sa mga kawani, maaari aniyang humingi ng tulong sa Department of Justice (DOJ), gayundin sa mga civil organizations tulad ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), Legal Network For Truthful Elections (Lente) at Kontra Daya.


Handa umanong tumulong ang mga civil society groups nang libre at maaaring magsagawa ng pagsisiyasat upang makakuha ng mga ebidensiya at mahanap ang mga testigo.


Matatandaang kamakailan, iniulat ng Comelec na higit 1,000 sumbong ng vote buying ang hindi makausad dahil sa kawalan ng testigo. Karamihan sa mga reklamo ay nagpadala lamang ng vote buying videos, subalit walang kalakip na impormasyon kung saan at sinong kandidato ang nasa likod ng aktibidad.


Sa totoo lang, malaking problema ang vote buying at selling. At kung hindi ito malulutas sa lalong madaling panahon at matetengga lamang ang mga reklamo, paano mapapanagot ang mga sangkot dito?


Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, sana’y maging bukas tayo sa mga opinyon at handa tayong tumanggap ng mga tulong mula sa mga tao o grupo na handang umaksiyon.


May karapatan ang taumbayan na malaman ang mga nangyayari sa kanilang paligid, lalo na kung may kaugnayan ito sa ilegal na aktibidad sa panahon ng halalan.


Hangga’t may nakikinabang at walang napaparusahan, tuloy ang kanilang mga kalokohan.


Tandaan, kung hindi matutuldukan ngayon ang mga isyu ng vote buying, hindi malabong mangyari ulit ito sa susunod na halalan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page