top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Pagpo-post ng TikTok video, posibleng makulong

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 11, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | April 11, 2023


Dahil sa pag-post ng video sa social media humantong sa pagkakakulong ang limang overseas Filipino workers (OFWs) sa Sharjah, United Arab Emirates (UAE).


Ito ang nangyari sa naturang mga OFWs nang sampahan ng reklamo dahil sa TikTok video na kanilang ipinost sa socmed.


Sa ulat, nagkatuwaan lamang umano ang magkakaibigan sa pag-upload ng video sa TikTok noong Marso 12, 2023. Pero ang biruan ay nagdala sa kanilang lima sa kulungan nang may magreklamo umano sa kanilang ginawa.


Isang kapatid naman ng isa sa mga OFW na hinuli, ang humingi ng tulong sa embahada matapos aniyang mapagkamalang prostitutes ang mga ito.


Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Toots Ople, may case number na ang kaso ng limang OFWs na inaresto at dinala sa kulungan, at hinihintay na lamang nila ang iskedyul ng hearings sa Sharjah court. Aniya, mayroon na silang legal retainer na nakuha upang i-represent ang karapatan nitong limang OFWs sa korte.


Nakatakda na ring makipag-usap ang Philippine Embassy at Labor Attache sa UAE sa mga employer ng naturang OFWs habang gumagawa na rin sila ng mga hakbang upang madalaw ang mga ito.


Batay sa cybercrime law ng UAE, maaaring pagmultahin at makulong ng limang taon ang naturang OFWs.


Paliwanag ni Ople, ang UAE ay mahigpit na nagpapatupad ng kanilang cyberlaw at napakasensitibo rin nila sa mga aksyon laban sa kanilang kaugalian o customs at morality. Iba ang kanilang kultura, kaya kailangan nating maging napakagalang pagdating dito.


Tiniyak naman ng opisyal sa mga pamilya ng mga ito na hindi dapat mag-alala dahil babantayan din nila ang kaso habang diretso silang kokontakin para makakuha at malaman ng mga ito ang updates tungkol sa lagay ng mga OFWs.


Malaking bagay ang mabilis na pagresponde ng mga kinauukulan at agarang aksyon upang tulungan ang ating mga kababayang OFWs para hindi na lumala pa ang sitwasyon.


Kung naging maingat lang sana ang mga ito sa kanilang kilos at gawa, hindi na aabot sa ganito ang nangyari sa kanila.


Marahil, leksyon ito para sa lahat na dapat nating pag-aralang mabuti ang mga kultura ng bawat bansa, lalo na kung nagtatrabaho tayo bilang OFWs.


Kailangang alamin natin ang gawi ng mga indibidwal sa isang bansa dahil iba ang kanilang kostumbre, lahi at pinaniniwalaan.


Dapat ding maging sensitibo sa maraming bagay dahil posibleng ito pa ang magdulot sa atin ng kapahamakan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page