Pagpasok ng mga artista sa pulitika, para sa kaban o bayan?!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 5, 2023
MGA LOYALISTS AT DDS VLOGGERS, BAKA MAGALIT KAY P-BBM SA PANAWAGANG LABANAN ANG FAKE NEWS—Sa idinaos na World Press Freedom Day, nanawagan si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa mga mamamahayag na tulungan ang gobyerno sa paglaban sa fake news sa social media.
Naku, malamang na magalit kay P-BBM ang mga loyalists at Duterte Diehard Supporters (DDS) vloggers dahil sila ang mahilig gumawa ng fake news. Patunay d’yan ang ilang Marcos at Duterte supporters vloggers accounts na na-block ng Facebook at YouTube dahil sa pagpapakalat ng misinformation o pekeng balita sa social media, boom!
◘◘◘
KASONG GRAFT KAY ‘BISTEK’, PATUNAY NA ILAN SA ARTISTANG PUMAPASOK SA PULITIKA AY HANGAD NA MAGNAKAW SA KABAN NG BAYAN—Pinagtibay ng Sandiganbayan ang isinampang P32 million graft case ng Ombudsman laban kay former actor at former Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista.
Patunay ‘yan na ang ilan sa mga artistang pumapasok sa pulitika ay hindi pagseserbisyo sa mamamayan ang hangad kundi para mangurakot sa kaban ng bayan, period!
◘◘◘
DAPAT TUTUKAN NG OMBUDSMAN ANG BENTAHAN NG SMUGGLED NA ASUKAL DAHIL BAKA SMUGGLERS DIN ANG BUMILI—Ang mga kumpiskadong smuggled na asukal ay ibebenta raw ng Department of Agriculture (DA) sa mga Kadiwa stores sa presyong P70 kada kilo.
Dapat tutukan ng Ombudsman ang gagawing ito ng DA dahil baka kaunti lang ang ibebentang asukal na P70/kilo sa mga Kadiwa stores, tapos ang tone-toneladang smuggled na asukal ay bibilhin ng mga agri-smugglers o sugar cartel, at ibebenta naman sa merkado ng P140/kilo, boom!
◘◘◘
KAY P-BBM MAGBU-BOOMERANG ‘PAG KURAKOT NA TALUNANG KANDIDATO ANG BINIGYAN NIYA NG PUWESTO SA GOBYERNO—Sa Mayo 9, 2023, tapos na ang isang taon na ban sa mga talunang kandidato para magkapuwesto sa gobyerno. Ibig sabihin, ‘yung mga natalo noong May 2022 elections ay puwede nang bigyan ng puwesto ni P-BBM sa kanyang administrasyon.
Dapat tiyakin ni P-BBM na walang bahid ng korupsyon ang bibigyan niya ng puwesto sa kanyang administrasyon dahil tiyak sa kanya magbu-boomerang at siya ang babatikusin ng publiko ‘pag kurakot ang binigyan niya ng posisyon sa pamahalaan, period!





Comments