top of page
Search
  • BULGAR

Pagpapauwi sa mga Pinoy na nasa Israel, ikasa na

@Editorial | October 10, 2023


Nagpapatuloy ang giyera sa pagitan ng Israeli forces at Palestinian militant group na Hamas, kung saan may mga kababayan tayong naiipit.


Kaugnay nito, hinimok na ang mga awtoridad na magtayo ng bomb shelter para sa mga Pilipino na nasa Israel. Napag-alaman na may sari-sarili namang bomb shelter sa Israel pero ‘yung mga walang trabaho o mga walang papel ay walang matutuluyan.


May mga overseas Filipino worker (OFW) ding nag-aalala para sa kanilang kaligtasan ngunit malabong makauwi sa Pilipinas sa ngayon.


Samantala, nakikipag-ugnayan na umano ang mga awtoridad sa mga Filipino community leader upang ibigay ang kanilang mga pangangailangan.


Tiniyak naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakahanda silang alalayan ang mga kababayan nating nais umuwi ng Pilipinas. Handa umano ang ahensya sa repatriation.

Batay sa impormasyon, mayroong iilang Pinoy sa Gaza na gustong bumalik sa Pilipinas pero hindi pa rin ito kumpirmado.

Kadalasan naman sa mga tumatawag sa embahada ay nagtatanong lang ng sitwasyon at nagsasabing ligtas sila.

Umaasa tayo na mayroong contingency plan ang gobyerno katuwang ang Israeli government sakaling lumala ang sitwasyon doon. Kailangang alalayan ang mga apektado sa giyera at tiyakin ang kanilang kaligtasan.


Sa ilang pagkakataon ay nakita naman natin kung gaano kahirap para sa ating mga kapwa Pinoy na maipit sa digmaan sa ibang bansa. Madalas ay nagtatalo ang kagustuhan nilang umuwi at ang manatili kahit may giyera, alang-alang sa trabaho.


Nakapanlulumo dahil handa silang magbuwis ng buhay para sa trabaho na pinaniniwalaan nilang tanging makakatugon sa pangangailangan ng kanilang pamilya.


Kaya hamon sa gobyerno na mas pagtuunan ng pansin ang pagkalap ng trabaho para sa mamamayan nang hindi na napipilitang makipagsapalaran sa malayo.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page