top of page
Search
  • BULGAR

Pagpapatupad ng 4-day workweek, nakasalalay sa mga kumpanya

ni Ryan Sison @Boses | May 1, 2024



Boses - Ryan Sison


Sa gitna ng matinding init na nararanasan sa ilang bahagi ng ating bansa, ang pagtatakda ng 4-araw na trabaho sa isang linggo ay prerogatiba o pagpapasya ng isang kumpanya.


Sa panayam kay Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Benjo Benavidez, ipinaliwanag niyang ang 4-day workweek ay isa sa mga tinatawag nilang flexible work arrangement. Itong mga flexible work arrangement aniya, ay prerogative at isa sa mga option ng mga employer, na may konsultasyon na rin sa mga manggagawa.


Nang tanungin naman tungkol sa kung inirerekomenda ng DOLE ang naturang polisiya, sinabi ng opisyal na depende ito sa pangangailangan ng kumpanya.


Ayon kay Benavidez, kung talagang masisigurado nito ang kaligtasan ng mga empleyado o kaya ay mas mame-maintain o mapapanatili, at lalong mai-improve o mapapabuti ang productivity pa ng kumpanya, bakit hindi aniya, ito gawin. 


Ang usapin hinggil sa naturang polisiya ay muling tinalakay dahil sa mga report na mapanganib na lebel ng heat index sa buong bansa. Batay kasi sa PAGASA, maaaring magpatuloy ang init ng panahon hanggang sa kalagitnaan pa ng Mayo.


Kaugnay nito, sinabi ni Benavidez na nagpapatupad na rin ang kagawaran ng mandatory occupational safety and health standards sa ilalim ng department order at ng batas.


Isang workplace safety group ang nag-utos sa DOLE na gawing mandatoryo ang heat breaks at iba pang protocol sa gitna ng intense heat o sobrang init.


Binigyang-diin naman niya na anuman ang nature o uri ng trabaho, ang lugar ng trabaho, lagi nilang pinaaalalahan na nakabase ang mga ito sa pamantayan, lalo na ang pagsusuot ng personal protective equipment o PPE. Ikalawa aniya, ang proper hydration, ikatlo ay proper ventilation, at ikaapat ay ang pagkakaroon ng mga breaks, lalung-lalo na ang mga short breaks, at mayroon ding tinatawag na meal breaks.


Mainam din na nagkakaroon ng mga pag-uusap ang mga employer at mga manggagawa patungkol sa ganitong isyu dahil sa nararanasan nating matinding init dulot ng El Nino.


Unang kinokonsidera siyempre ang kalusugan ng bawat isa, pero importante rin ang ating kabuhayan.


Batid din natin na lahat ay nag-a-adjust at nagsasakripisyo sa sitwasyon, kaya mahalaga talaga ang pagkakasundo ng magkabilang panig. Mayroon namang ipinatutupad na short breaks at meal breaks sa mga kumpanya kaya nagiging magaan na rin ito sa mga empleyado.


Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay totoong maresolbahan nila ang problemang ito. Hindi ‘yung puro lang plano sa umpisa at paghahanda, pero heto ngayon at sinasagupa na ng mga mamamayan ang matinding init dulot ng El Nino. Matatapos na lang ang naturang phenomenon, at sana talagang maramdaman natin na may ginagawa silang paraan upang tugunan ito para kahit paano ay maibsan ang hirap na nararanasan.


Paalala rin na after ng El Nino, tiyak na ang kasunod nito ay La Nina.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page