top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Pagpapakasal, dapat unahin bago magnegosyo kasama ang partner

BULGAR
Dec 10, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 10, 2022

Dear Maestro,


Ang boyfriend ko ay isinilang noong May 1, 1983, habang September 16, 1985 naman ako, compatible ba kami sa Astrology at Numerology? Kung oo, magiging maligaya ba kami kung sakaling magpapakasal kami?


Gusto ko ring malaman kung ano ang tamang negosyo o hanapbuhay para sa akin. Sa ngayon, plano kong mag-aral ng jewelry appraisal, gold plating at pawnshop operation, ‘yun kasi ang negosyo ng pamilya ng boyfriend ko at ganundin ang gusto niyang negosyo kapag mag-asawa na kami. Magtatagumpay ba kami sa negosyong ito?


Umaasa,

Rachel ng Banga, Meycauyan, Bulacan



Dear Rachel,


Sa edad mong 37, habang 38 naman ang edad ng boyfriend mo, bakit naman hindi pa kayo magpakasal upang ngayon pa lang ay maihanda n’yo na ang pagpapaunlad sa itatayo n’yong pamilya?


Sa madaling salita, nasa tamang edad na kayo para mag-asawa, kaya kung magagawa n’yo, madaliin n’yo ang pagpapakasal at pagtatayo ng sariling pamilya para mapaunlad n’yo na rin ang inyong buhay habang medyo bata pa kayo. Mahirap kasi ‘yung may edad na kayo at saka kayo mag-aasawa at magpapaaral pa ng mga anak. Kumbaga, nagkakandakuba ka na sa kakatrabaho, pero first year high school pa lang ang iyong anak, lalo na ngayong nilagyan pa ng dagdag na dalawang taon ang mga high school.


Ang mas masarap, habang nagkakaedad ka, tapos na sa pag-aaral ang mga bata at may kani-kanya na silang propesyon at stable job. Kumbaga, parang magkakapatid na lang kayo dahil medyo bata kang nag-asawa kaya bata ka pa rin sa sandaling napagtapos mo sa pag-aaral ang iyong mga anak.


Tulad ng nasabi na, tamang-tama lang kung magpapakasal na kayo ng boyfriend mo. Ang birth date mong 16 o 7 (1+6=7) na pinaghaharian ng Planetang Moon-Neptune ay nangangailangan ng Planetang Sun, na siya namang ruling planet ng birth date na 1 ng boyfriend mo. Ibig sabihin, compatible kayo, hindi lamang sa Astrology kundi maging sa mga numero na umiiral sa inyong pagkatao at sa sandaling nagkatuluyan kayo, siguradong uunlad at magiging maligaya ang inyong samahan.


Mas mabilis ka kasing uunlad, partikular kayo ng boyfriend mo at magiging mabunga at masagana ang bubuuin n’yong pamilya sa sandaling nagsama ang birth date na 7, na nagkataon pang Virgo at Taurus ang zodiac sign n’yo ng boyfriend mo na kapwa pinaghaharian ng elementong earth o lupa.


Kaya bago mo isipin ang kung ano-anong negosyo at pagkakakitaan, mas maganda kung magpapakasal at magsasama na kayo ng boyfriend mo bilang ganap na mag-asawa.


Kapag mag-asawa na kayo, saka mo simulan ang pag-aaral tungkol sa electroplating, jewels and gold appraising at kung may malaki-laki kayong puhunan, puwede na rin kayong magbukas ng sarili n’yong pawnshop o jewelry shop.


Bagay sa inyong magkarelasyon ang nasabing negosyo, sapagkat ang mga batong mataas ang kalidad, gayundin ang mga ginto, pilak at iba pang alahas ay bunga o nanggaling sa ilalim ng lupa, na siya namang nagbibigay-suwerte at magandang kapalaran sa mga taong may zodiac sign na under sa elementong earth o lupa, tulad ng zodiac sign mong Virgo at Taurus naman ang boyfriend mo.


Ang maganda pa nito, ang mga taong Taurus ay umuunlad at umaasenso rin sa mga kalakal na may kaugnayan sa pagpapaganda, tulad ng pag-aalahas at iba pang nagniningning at kumikislap na dekorasyon sa katawan.


Habang, ayon sa inyong Love Calendar, puwede na kayong magpakasal sa taon ding ito ng 2022 hanggang sa susunod na taong 2023. Isaalang-alang n’yo ang mga buwan ng Mayo, Setyembre, Nobyembre at Disyembre, itapat din ang nasabing pagpapakasal sa kabilugan ng buwan o full moon, puwede rin sa new moon o nasa first quarter ang buwan, sa partikular na mga petsang 1, 10, 19, 28, 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 5, 14 at 23 upang matiyak ang isang masagana, maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page