ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 24, 2024
Prutas, gulay, bulaklak ang kakaibang palamuti o dekorasyon ng buong altar, sa gitna at sa magkabilang gilid.
Kinailangang magtanong sa isang kilalang designer o couturier kung posible nga bang gawing maganda at sagrado ang dating ng altar kapag ito ay papalamutian ng gulay at prutas kasama ang mga bulaklak na karaniwang ginagamit para sa paggagayak ng mga latar? Sagot ng aming kaibigang couturier, “Bakit naman hindi?” Alam naming puwede ngunit, hindi kami sanay at wala o kakaunti lamang ang may karanasang maggayak ng altar na prutas, gulay at bulaklak ang gamit.
Sa buong araw ng pagdiriwang at pasasalamat ng parokya para sa mga biyayang tinanggap, buong araw ding magpapakain ngunit sa natatangi at kakaibang paraan.
Walang isda, manok, karneng baboy o baka ang handa. Sa madaling salita, walang dugo ng pinatay na hayop o isda na karaniwang handa sa anumang pista. Sa halip, sari-saring kakanin, prutas at gulay na ihahanda kasabay ng kanin para sa lahat. Bakit? Nais ba naming itaguyod ang pagiging “vegetarian” o gulay lang ang kakanin?
Nagsimula na kaming makipag-usap sa mga opisyales ng Barangay Bahay Toro, Project 8, Quezon City. Nagkasundo kaming magkasamang maghahanap ng paraan na maglingkod sa lahat (tao at kalikasan) ayon sa mga matitinding hamon ng panahon at sitwasyon.
Matindi ang “init” at maraming apektado at delikado dahil sa panganib ng heat stroke. Matindi ang “basura” maski saan. Sa halip na magbawas at iwasan ang pagkakalat, lalo pang nadaragdagan ang basura at ikinakalat ito kung saan-saan. Namamatay ang mga puno, mga halaman, tanim, gulay, gayundin, namamatay ang mga hayop na walang matinong silungan. Ito ang banta at panganib ng labis na init at polusyon.
Hindi man pinag-uusapan ngunit grabe na naman ang usok. Balik ang lahat ng sasakyan sa daan. Kung marumi ang hangin ganoon din karumi ang tubig na tumatanggap ng mga lason mula sa kalat at basurang ‘solid’ o ‘liquid’. Tinatalakay na rin ngayon ang lumalalang polusyon sa tubig mula sa mga batis, ilog at lawa hanggang sa karagatan. Kasama rin ang polusyon ng ingay -- ng mga sasakyan, mga malalakas na radyo sa mga dyip at tricycle, karaoke at iba pa sa mga tahanan. Ingay ng mga nagsisigawan, nagkukuwentuhan, nag-aaway. Kaya nasanay na lang sa walang humpay na ugong at ingay ng paligid na bingi at uhaw na uhaw sa tinig at himig ng katahimikan.
Sa aming pakikipag-usap at pagninilay kasama ang barangay, nakita namin ang kaugnayan ng kalikasan sa kalusugan. Kabilang din ang matinding problema ng kabuhayan na siyang dahilan kung bakit napakaraming walang sariling tahanan at nasanay nang tumira sa siksikan, mainit at mapanganib na mga pansamantalang tirahan ng maraming maralitang taga-lungsod. Kalikasan, kalusugan at kabuhayan, napakalaking problema at pagkukulang. Napakalawak na pananagutan ang tatlong ito.
Ngunit, tumitindi ang pang-apat na “k,” dahil sa panghihimasok, panduduro, pambu-bully ng Tsina sa ating mga mangingisda, Phil. Coast Guard at Navy, kailangang-kailangan nang pag-usapan ngayon ang kabayanihan.
Aanhin mo ang kalikasan, ang kalusugan at kabuhayan kung wala kang laya dahil niyurakan na ang kasarinlan, ang soberanya ng iyong bayan? Dahil sa palala nang palala ang panghihimasok at pang-uudyok ng mga barkong Tsino, tinatanong na ng marami kung ano ang mangyayari sa bansa, at kung ano ang maaari at dapat nating gawin upang ipagtanggol ang ating bayan at soberanya laban sa Tsina.
Sinimulan na ng barangay at simbahan sa Project 8, Quezon City ang pag-uusap at mga maliliit ngunit mahahalagang hakbang tungo sa paligid at pamayanang nagpapahalaga sa kalikasan, kalusugan, kabuhayan at kabayanihan.
At dahil simbahan ang nakikilahok sa usapin ng mabuting pamamahala (good governance na siyang puno’t dulo ng pagpapahalaga sa apat na “k”), kailangang isipin ang kaugnayan ng pang-apat na “k”. Ano nga ba ang kaugnayan ng kabanalan sa kalikasan, kalusugan, kabuhayan at kabayanihan?
Nasagot namin ang katanungang ito sa pamamagitan ng matalinhagang larawan ng altar at napaghandaan ng aming Parokya ng Ina ng Laging Saklolo nitong Linggo. Nakita at natunghayan natin ang mga gulay, prutas, bulaklak at halaman sa gitna at magkabilang gilid ng altar. Nakita rin natin ang malaking bandera ng ating mahal na bansa na dapat ilabas, ipagmalaki at iwagayway nang husto para higit na pag-isahin at paigtingin ang ating mga diwa, damdamin, isipan at kalooban na mahalin at ipagtanggol ang nanganganib nating bansa.
Isang luntian, malinis at malusog, masagana’t maunlad, maka-Pilipino, mapayapa, ligtas at tunay ngang banal na pista ng Ina ng Laging Saklolo. Maligayang pista sa lahat!
댓글