Pagpapababa ng presyo ng kuryente, matupad sana

ni Ryan Sison @Boses | July 9, 2024

Magiging malaking pakinabang sa mga mamamayan kung maibababa ang presyo ng kuryente sa ating bansa.
Ito ang iginiit ng liderato ng House of Representatives at ng mga miyembro ng Young Guns, kung saan ipinahayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na dapat isailalim sa comprehensive review ang Electric Power Industry Regulation Act (EPIRA) para mapababa ang presyo ng kuryente at magkaroon ng seguridad sa enerhiya ang Pilipinas.
Kabilang sa sumusuporta sa hakbang na ito ang mga Young Guns na sina Reps. Inno Dy V ng Isabela, Rodge Gutierrez ng 1-Rider Party-list, Jil Bongalon ng Ako Bicol Partylist, Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, Paolo Ortega ng La Union, Jay Khonghun ng Zambales, Mika Suansing ng Nueva Ecija, Joel Chua ng Manila, Migs Nograles ng PBA Partylist, at Cheeno Miguel Almario ng Davao Oriental.
Sang-ayon din ang iba pang mambabatas sa pahayag na ito ni Romualdez na anila, panahon na para magsagawa ang Kamara ng komprehensibong pag-aaral sa EPIRA upang tuluyang ma-reduce o mapababa ang halaga ng kuryente.
At kahit na mayroon umanong mga naging na plano noong nakaraan, wala pa anilang nagsagawa ng pagrepaso sa nasabing batas.
Ayon pa sa mga mambabatas, kung magagawang maibaba ang presyo ng kuryente ay magreresulta ito sa pag-unlad ng ating ekonomiya.
Tama lang ang hakbanging ito ng mga mambabatas dahil talagang makatutulong nang husto sa mga mamamayan.
Alam naman natin na ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong ASEAN region, at walang magawa ang mga kababayan kundi tiisin na lamang ang hirap na nararanasan.
Pero, kung talagang mare-reduce ang halaga ng ating electricity, mababawasan na ang pasanin ng mga mamamayan dahil siguradong bababa na rin ang singil sa ating kuryente.
Sana nga hindi ito maging pangarap lamang bagkus ay mangyari at matupad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments