Paglipat ng guardianship ng mga ari-arian ng taong wala nang kakayahang mangalaga sa mga ito
- BULGAR

- Aug 18, 2020
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 18, 2020
Dear Chief Acosta,
Sa kasamaang-palad, dahil sa katandaan ng tatay ay naloko ng ito ng isang tao na hindi namin kilala. Pinapirmahan sa kanya ang dokumento na naglilipat ng pagmamay-ari ng isa sa kanyang mga lupa, kapalit lamang ng napakaliit na halaga. Mayroon pang natitirang lupain sa probinsiya ang tatay ko at natatakot akong maloko na naman siya. Bilang nag-iisa niyang anak, maaari ko bang hilingin sa korte na pormal na ibigay sa akin ang pamamahala ng mga nasabing lupa upang maprotektahan ko ang mga ito? – Maribelle
Dear Maribelle,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinalakay ng Korte Suprema sa kaso ng Lolita R. Alamayri vs. Rommel, Elmer, Erwin, Roiler and Amanda, all surnamed Pabale (G.R. No. 151243 – April 30, 2008, Ponente: Honorable former Associate Justice Minita Chico-Nazario), kung saan ipinaliwanag na:
“A guardian may be appointed by the RTC over the person and estate of a minor or an incompetent, the latter being described as x x x persons not being of unsound mind, but by reason of age, x x x cannot, without outside aid, take care of themselves and manage their property, becoming thereby an easy prey for deceit and exploitation.” (Binigyang-diin)Sang-ayon sa nabanggit, ang isang tao na itinuturing na incompetent o hindi na kayang alagaan ang kanyang sarili o kanyang mga ari-arian nang dahil sa katandaan ng edad ay maaaring magkaroon ng guardian na tutulong na mag-aruga at mangalaga sa kanya at mamahala ng kanyang mga ari-arian.
Samakatwid, base sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema, maaari kayong humiling sa korte na maitalaga kayo bilang guardian ng inyong ama na mangangalaga sa kanya at sa mga ari-arian nito upang kayo ay makasigurong hindi na siya maging biktima ng panloloko.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments