Paglilinaw sa tricycle ban
- BULGAR
- Dec 17, 2022
- 3 min read
ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | December 17, 2022
Marami sa ating mga kababayan ang nalilito kung paano nga ba ipatutupad o susundin ang tricycle ban dahil mismong ang mga may-ari ng nito at maging ang mga enforcer ay tila hindi ito naiintindihan.
Ang buong alam ng lahat na ang tricycle o motorsiklong may nakakabit ng sidecar ay mariing ipinagbabawal sa national highway ngunit hindi ‘yan ganyan kasimple dahil iba ang ordinaryong tricycle at tricycle na nagbibigay serbisyo sa publiko ng may bayad.
Napakarami na ng insidenteng ang tricycle na dumaan sa national highway ay pinapara ng mga enforcer at iniisyuhan ng violation ticket na karaniwan ay kolorum, out of line, no franchise, no permit at kung anu-ano pa ang ikinakaso.
Maliwanag ang tricycle ban sa national highway, ngunit kung sasaliksikin natin ang lahat ng mga umiiral na panuntunan, maging ang rule on franchises ay hindi aplikable sa mga pribadong tricycle ang pagbabawal dumaan sa national highway.
Walang kontrol ang lahat ng Local Government Unit (LGU) sa mga pribadong sasakyan hangga’t ginagamit ito na pansarili lamang—kabilang ang tricycle, maliban na lamang kung makagagawa ito ng paglabag sa trapiko na aplikable naman sa lahat ng sasakyan.
Medyo may negatibong konotasyon ang salitang tricycle dahil kapag narinig natin ito ay agad naiisip ng marami nating kababayan na ito ay pampasaherong sasakyan na tumatanggap ng bayad o pamasahe.
Kaya maging ang mga tricycle na pribado ay nadadamay at maging ang may-ari ng mga ito ay ganito na rin ang akala na lahat ng three-wheelers ay mahigpit na ipinagbabawal, kaya natatakot silang gamitin ang pribadong tricycle sa highway.
Marahil panahon na para liwanagin ang pagpapatupad ng batas hinggil sa ipinapasadang tricycle at pribadong three-wheeler lalo pa at may bagong usong tatlong gulong ngayon na kung tawagin ay Tuk-Tuk three-wheelers, imported ito na naglipana na sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Halos lahat kasi ng traffic enforcer ay hindi naiintindihan ang tricycle ban sa national highway basta ang alam nila ay bawal ang dumaan sa highway ang tricycle, dapat hulihin at hindi nila alam na puwede ang pribado at hindi puwede ang pampasahero.
Sa iba’t ibang pamamalakad sa mga lokal na pamahalaan ay may iba-iba ring panuntunan, tulad na lamang sa kahabaan ng national highway patungong Bicol ay normal na nakakasabay ng mga biyaherong sasakyan ang mga ipinapasadang tricycle.
Normal na tanawin ito pagpasok pa lamang ng Laguna, Batangas, Quezon hanggang sa Bicol na isa sa mga dahilan nang pagbagal ng biyahe dahil sa limitadong takbo ng tricycle sa national highway.
Bahagi na ng kulturang Pinoy ang tricycle at kung titingan natin sa iba’t ibang bayan sa buong bansa ay nasa mahigit 21 disenyo ng tricycle ang makikita at walang ahensya ng pamahalaan ang kumokontrol kung ligtas ang inilalabas na disensyo.
Wala kasing kamay ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) o maging ang Department of Transportation (DOTr) sa mga tricycle kaya dapat nating kalampagin ang mga Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) hinggil sa disenyo.
Maraming probinsya na may mga tricycle ang magaganda ang disenyo, maluwag at komportable ang mga pasahero, ngunit sa Metro Manila ay tila nauuso ang napakakipot ng sidecar, nakakuba na ang pasahero sa loob at sobrang siksikan ang dalawang magkatabi sa loob.
Walang pakialam ang mga namamasadang tricycle kahit magsakripisyo ang kanilang pasahero dahil sa wala namang panuntunan o standardard na sinusunod ang mga gumagawa ng sidecar.
Kahit sa pagsakay ng pasahero ay hindi pare-pareho ang dami ng lulan nilang pasahero dahil merong apat ang sakay kasama ang driver at meron namang lima kasama ang driver na nakaupo na sa tangke ng gasolina ng motorsiklo at hirap na hirap nang magmaneho.
Ilang lang ito sa kinahakaharap na suliranin ng industriya ng tricycle sa bansa na sana isang araw ay magkaroon ng standard na panuntunan para sa kapakanan ng ating mga naghahanapbuhay na ‘kagulong’ at ng mga pasahero na araw-araw sumasakay ng tricycle.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.








Comments