- BULGAR
Paglalagay ng buwis sa single-use plastic, pahirap sa mahihirap
ni Ryan Sison - @Boses | July 20, 2022
Lalo pang tataas ang presyo ng ilang produkto.
Ito umano ang posibleng mangyari kung papatawan ng buwis ang mga single-use plastic, ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno.
Bagama’t walang detalyeng binanggit ang kalihim, agad na nagpahayag ng iba’t ibang opinyon ang mga tindera sa palengke.
Habang pabor ang ilang grupo ng supermarket owners sa anila’y makakalikasang batas, posibleng lalo pa umanong tumaas ang presyo ng mga bilihin.
Nangangahulugan ito na madadamay ang mga produktong binibili ng tingi. Bagay na makakaapekto sa mga nagtitipid.
Samantala, para sa Ecowaste Coalition, makabubuti ang pagpataw ng buwis sa plastic, pero dapat tiyaking hindi maipapasa ang dagdag-gastos sa publiko. Kaya nanawagan ang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na i-veto ang panukalang Extended Producer Responsibility Act dahil bagama’t ibinibigay ng batas ang responsibilidad sa mga manufacturer na i-recycle o kolektahin ang plastic waste, hindi malinaw ang ilang probisyon dito.
Pabor naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa intensyon ng panukalang batas na buwisan ang single-use plastic. Pero ipinayo ng ahensya sa publiko na magsanay nang gumamit ng reusable bags, habang ang mga kumpanya ay pinayuhang maghanap ng alternatibong packaging.
Sa totoo lang, kung maipapasa sa mga consumer ang panibagong buwis, dagdag-problema na naman ito.
Sa taas ng presyo ng mga bilihin, no choice ang ilan kundi bumili ng tingi at kung mabubuwisan pa ang single-use plastic, ano na lang ang mangyayari?
Kaya pakiusap, pag-aralang mabuti ang panukalang batas bago ipatupad dahil tiyak na maraming maaapektuhan.
Masyado nang maraming problema ang ordinaryong mamamayan, kaya sana ay ‘wag na nating dagdagan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co