by Info @Editorial | August 5, 2024
Muling pinaramdam sa atin ni Carlos Yulo ang walang kapantay na kasiyahan at karangalan matapos niyang makamit ang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics. Isang kahanga-hangang tagumpay, hindi lamang para kay Yulo, kundi para sa buong bansa, na nagpapaalala sa atin ng kakayahan at potensyal ng mga atletang Pilipino.
Si Yulo, na kilala sa kanyang husay sa gymnastics, ay nagpakita ng walang kapantay na determinasyon. Ang kanyang pagkapanalo ay isang inspirasyon hindi lamang sa mga kabataang nagnanais na maging tulad niya, kundi sa buong bansa.
Ito ay patunay na sa kabila ng limitadong suporta at kakulangan sa pondo ay kayang makipagsabayan ng mga Pilipino.
Ngunit sa likod ng kanyang tagumpay ay ang katotohanang kailangan pa rin ng ating mga atleta ng higit na suporta.
Ang pamahalaan ay may mahalagang papel sa pagsiguro na ang ating mga atleta ay may sapat na pondo, pasilidad, at mga pagkakataon para sa pagsasanay.
Ang mga paaralan at lokal na komunidad ay dapat ding magkaroon ng access sa mga pasilidad at programa na magpapaunlad ng sports sa lahat ng antas. Sa ganitong paraan, kung mabibigyan ng sapat na suporta, marami pang Carlos Yulo ang maaaring sumibol sa iba’t ibang larangan ng palakasan.
Kaya naman, tayo ay magkaisa sa pagbuo ng isang mas maliwanag na kinabukasan sa larangan ng sports, isang kinabukasan kung saan ang mga pangarap ay nagiging posible para sa mga atletang Pinoy.
Mabuhay ang atletang Pilipino!
Comentários