top of page
Search
  • BULGAR

Pagkilala at pasasalamat ang Balikat ng Bayan Awards ng SSS

@Buti na lang may SSS | October 03, 2021



Dear SSS,

Kamakailan ay napanood ko sa Facebook page ng SSS ang Balikat ng Bayan Awards na ginagawa tuwing anibesaryo nito. Ano ba ang kahalagahan nito? - Carlo ng Koronadal


Sagot

Mabuting araw sa iyo, Carlo! Hinggil sa iyong katanungan, ang Balikat ng Bayan ay sinimulan noong 1995 bilang pagkilala at pasasalamat sa mga natatanging indibidwal at organisasyon na sumusuporta sa mga programa ng SSS at tumutupad sa mga mandato nito. Ito ang isa sa mahahalagang tampok na programa sa taunang pagdiriwang ng anibersaryo ng SSS tuwing Setyembre.


Ito ang paraan ng SSS upang kilalanin ang natatanging kontribusyon ng indibidwal o organisasyon sa pagbibigay ng social security protection sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Noong mga nakalipas na mga taon ay iba’t ibang organisasyon at institusyon na ang ginawaran ng SSS ng pagkilalang ito na higit nakatulong upang matagumpay na maihatid ng SSS ang mga programa at serbisyo nito sa mga miyembro, employer at pensiyunado sa buong Pilipinas at sa buong mundo.


Samantala, ang disenyo at konsepto ng plake na iginagawad sa mga nanalo sa Balikat ng Bayan ay ginawa ng namayapang tanyag na iskultor na si Dr. Antonio Raymundo. Noong 2018, iginawad ng SSS sa mga kaanak ni Dr. Raymundo ang isang posthumous award bilang pagkilala sa 24-taon na masusi at buong husay na paglilok sa mga plake na iginagawad sa mga nanalo sa Balikat ng Bayan Awards ng SSS.


Para sa ika-64 taong anibersaryo nito, anim na natatanging organisasyon ang pinarangalan ng SSS bilang pagkilala sa mahalagang naiambag nila, lalo na sa gitna ng pandemyang ating kinahaharap sa kasalukuyan.


Ngayong 2021, iginawad ng SSS ang Top Employer Awards sa EVA Airways Corporation, Makilala Medical Specialists at BDO Unibank, Inc. sa Small, Medium at Large Employer Account Category. Ito ang mga employer na may pinakamahusay na record sa pagsunod sa Social Security Law. Regular nilang ipinagbabayad ng kontribusyon at inire-remit sa SSS ang contribution at loan payments ng kanilang mga empleyado kasunod ang palaging pagsumite ng collection at payment reports.


Kinilala rin ng SSS ang mga mamamahayag na patuloy na sumusuporta sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko tungkol sa iba't ibang programa ng SSS. Ang pahayagang Business Mirror ang ginawaran ng Best Media Partner para sa taong ito. Bukod dito, binigyan din ng Special Citation ang BULGAR at DXRD Sonshine Radio Davao bilang pagkilala sa kanilang ambag upang mas maiparating pa sa mas nakakarami ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS.


◘◘◘


Nais naming ipaalam sa ating mga retirement pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program (PLP) ng SSS para sa kanilang panandaliang pangangailangang pampinansyal. Mula Setyembre 15, 2020, maaaring magsumite ng aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang na mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran ng hanggang 24-months o dalawang taon.

 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page