Pagkaunti ng mag-aaral na aktibo sa distance learning, nakababahala!

ni Ryan Sison - @Boses | December 29, 2020
Napakalaki ng pinagbago ng pamumuhay natin mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic.
Isa sa mga pinakaapektado ay ang sektor ng edukasyon. Napakalaking hamon para sa pamahalaan na ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante sa gitna ng pandemya dahil kailangang ingatan ang kalusugan ng mga mag-aaral at guro. Kaya ang ending, ipinatupad ang distance learning.
Oktubre ng taong ito, binuksan ang klase at nakita ang iba’t ibang problema ng mga guro at estudyante. Marami ang hirap sa online classes dahil sa mahinang internet, at ang mga naka-modular learning naman ay nahirapan ding magsagot.
Sa kabila ng mga problemang ito, nagpatuloy ang distance learning at kamakailan, napag-alaman ng isang teacher’s group na bumababa ang bilang ng mga mag-aaral na lumalahok sa distance learning.
Ayon sa grupo, bumaba ang bilang ng mga batang lumalahok sa modular at online learning. Kung noon, nasa 40 ang estudyante, pero 30 lang ang uma-attend at ngayon, hindi na umano nangangalahati ang pumapasok.
Gayundin, kaunti na lang ang nagsasagot ng modules at kung magpapasa man ang iba, kaunti lang ang sagot dito at ‘yung iba ay hindi na talaga nagpapasa.
Sa totoo lang, nakalulungkot dahil ito na lang ang pag-asa natin para kahit paano ay maipagpatuloy ang pag-aaral ng kabataan, ganito pa ang nangyayari.
Nakababahala rin dahil sa puntong ito, kung unti-unting mauubos ang mag-aaral, ano nang mangyayari sa kabataan?
Panawagan sa mga kinauukulan, tugunan ang problemang ito. Alamin kung kaya ba talagang ipagpatuloy ang distance learning habang may pandemya o kailangan nating mag-isip ng panibagong solusyon para lahat ay makasabay?
Kung hahayaan naman natin na ganito na lang, sayang din ang pagsisikap ng mga guro at pondong inilaan para sa imprenta ng modules.
Kaya plis lang, solusyunan natin ang problema hangga’t maaga. ‘Wag nating hayaan na tuluyang maubos ang mga mag-aaral na lumalahok sa distance learning bago tayo umaksiyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments