Pagkain para sa mahihirap, tiyaking mapupunta sa tamang benepisyaryo
- BULGAR
- Feb 27, 2023
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 27, 2023
Kasado na ang pamamahagi ng food assistance mga mahihirap.
Kasabay nito, nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga taong magbebenta ng ipamamahaging food stub na hindi basta-basta ang ibibigay na QR code. Ito umano ay maglalaman ng pribadong impormasyon ng nakatanggap.
Nakapaloob dito ang ID bilang patunay na ang taong nasa pila ay siya ring mismong may-ari ng nasabing food stub.
Isasailalim muna sa verification process ang mga pipila kaya tiyaking may dalang dokumento at ID para mabigyan ng QR code.
Para naman sa mga senior citizen o persons with disability, puwedeng magpadala ng authorization letter bilang patunay na pinahihintulutan nila ang nasa pila na kunin ang kanilang food assistance.
Ngayong araw sisimulan ang pamamahagi ng stubs at umaasa tayo na magiging maayos ang sistema. Maiwasan sana ang magulong pila, matuto sanang sumunod ang lahat para walang problema. Habang hindi pa nagiging fully digitalized ang lahat ng proseso, tiis muna sa paghihintay.
Sana maging matagumpay ang nasabing programa, lalo na kung ang layunin nito ay ang maibsan ang kagutuman sa bansa.
Kung may mga mahuhuling mananamantala, tuluyan agad, patawan ng nararapat na parusa para hindi na gayahin.
Huwag nating sayangin ang bawat sentimo na ginagamit sa bawat programa at proyekto, dapat na mapunta ito sa mga karapat-dapat na tao.
Comments