top of page
Search
  • BULGAR

Pagiging perfectionist, dapat isantabi ng Virgo para magka-dyowa

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 30, 2022

Dear Maestro,


Pag-ibig ang idudulog ko sa inyo dahil sa edad kong 26, hanggang ngayon ay hindi pa ako nagkaka-boyfriend at kung nagkaroon man, parang biruan lang at hindi naman talaga seryoso. Kaya nais kong malaman kung kailan ba ako magkaka-boyfriend nang seryoso? September 9, 1996 ang birthday ko.


Umaasa,

Ella ng Bunlo, Bocaue, Bulacan


Dear Ella,


Dahil ikaw ay Virgo na may ruling planet na Mercury sa elementong earth o lupa, sinasabing sadyang matagal nagkakaroon ng seryosong boyfriend o girlfriend ang Virgo na tulad mo. ‘Yan ay dahil “very analytical person” sila at napaka-perfectionist.


Ibig sabihin, imbes na puso o damdamin, isip at pag-aanalisa ang madalas nilang gamiting pamantayan sa halos lahat ng aspeto ng kanilang buhay, lalo na sa pag-ibig.


At bukod sa isip nang isip, pintas pa sila nang pintas sa nililigawan o nanliligaw sa kanila, kaya sa bandang huli, ang pagkagusto ay maaaring unti-unting mawala at tuluyang hindi na muli nila magustuhan ‘yung isang babae o lalaking type na type pa nila noong una, pero sa bandang huli, tulad ng nasabi na, unti-unti na ring nawawala ang pagkagusto nila.


Dahil dito, isip nang isip at kuwenta nang kuwenta ang isang Virgo, kaya kadalasan ay mas nakikita at nakukuwenta nila ang kapintasan ng isang tao kaysa ang mga kabutihan at magagandang asal ng kanilang opposite sex.


Ito ang nagiging dahilan kaya ang isang Virgo ay isa sa pinakamatagal magdesisyon pagdating sa pag-ibig. Ang masakit pa nito, kahit nakapagdesisyon na ang isang Virgo sa larangan ng pag-ibig, isip pa rin siya nang isip ng mga negatibong bagay na animo’y hindi mapakali sa kanilang buhay.


Kaya sa tanong mo, Ella, kung kailan ka magkakaroon ng seryosong boyfriend, eksakto ang tugon— matagal pa. Gayunman, kung hindi ka magiging perfectionist at hindi na rin gaanong mag-aanalisa, sa halip na isip ay damdamin ang papaganahin mo sa pagpili ng magiging boyfriend, ayon sa iyong Love Calendar, humigit-kumulang sa taong 2024 hanggang 2025 at sa edad mong 28, magkaka-boyfriend ka nang seryoso at habambuhay na magiging maligaya, na hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page