Pagiging nega, dahilan kaya isang kahig isang tuka kahit todo-sikap
- BULGAR

- Dec 19, 2020
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| December 19, 2020

KATANUNGAN
Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga kolum, kaya medyo marunong na akong tumingin ng guhit ng palad. Pero magpapaanalisa pa rin ako sa inyo ng palad ko dahil hindi naman ako expert tulad n’yo.
May sloping Head Line ako o medyo nakakurbang pabilog ang dulo. Sabi n’yo na dapat straight ang Head Line dahil sila ang mga taong yumayaman. Kung hindi yayaman ang may sloping o pakurbang pabilog na Head Line, ano ang mangyayari sa kanyang kapalaran, lalo na sa career?
Sa ngayon, nag-a-apply ako sa abroad. Ang pinoproblema ko, kapag natuloy ako, sino ang mag-aasikaso sa mga bata? Ngayon kasi, nagtatrabaho rin ang misis ko bilang guro at sabi niya, kahit nasa abroad na ako, hindi pa rin siya magre-resign sa pagtuturo dahil sayang ang benepisyo na matatanggap niya kapag nasa retirement age na siya.
Kaya ngayon, kahit may aplikasyon ako sa abroad, nagdadawalang-isip pa rin ako kung matutuloy ako o hindi, lalo na ngayong nagkaroon pa ng pandemya.
Sa palagay n’yo, may maganda bang pag-a-abroad na nakalaan sa akin? At kahit sloping ang aking Head Line, puwede rin ba kaming yumaman?
KASAGUTAN
Tulad ng kasalukuyan mong attitude sa buhay ang nais ihayag ng sloping Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Mas nauuna ang negatibong pag-iisip kaysa ang magandang mangyayari sa hinaharap.
Isang kongkretong halimbawa ang iniisip mong pag-a-abroad dahil hindi ka pa man natutuloy, sari-saring negatibong bagay at pag-aalinlangan na agad ang pumapasok sa iyong isipan kung saan dahil sloping ang iyong Head Line (H-H arrow a.), na ang ibig sabihin ay imbes na lumawak ay unti-unting dumidikit o lumalapit sa Life Line (arrow b.) ay nangangahulugang malayo na sana ang narating at naabot mo kundi lamang masyado kang “self-conscious” sa mga binabalak, iniisip at ginagawa mo.
Dagdag pa rito, hindi lang masyadong “self-conscious”, bagkus, ang mas masaklap pa nito ay katitingin at kapapansin mo sa maaaring mangyari, mas nauuna mong nakikita at pumapasok sa isipan mo ay mga negatibong senaryo. At ang pagiging metikolosong ito ay pinalala pa ng zodiac sign mong Virgo. Tanda na dahil sa pagiging perpeksiyonista, mas nakikita nila ang maliit na mantsa sa kulay puting damit kaysa ang kabuuang kulay at ganda ng nasabing kasuotan.
Sa madaling salita, kapag hindi ka nagbago ng pananaw o attitude sa buhay, tulad ng nasabi na, malayo na ang nararating ng mga kasabayan at kaibigan mo, kayo naman ni misis ay isang kahig, isang tuka pa rin o kaya naman, mayayaman na ang mga kasabayan mo, pero kahit dalawa pa kayo ni misis na nagtatrabaho, mahirap pa rin kayo at maraming utang. Ito ay dahil masyadong negatibo ang pananaw mo sa halos lahat ng sitwasyon at pangyayari na dumarating sa inyong buhay.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Carlo, kapag hindi mo naiwaksi sa iyong isipan ang pag-aalala at alinlangan sa iyong sariling kakayahan kahit patuloy na magturo sa public school si misis at makapag-abroad ka rin, hindi pa rin kayo yayaman.
Sa kabilang banda, tandaang magsisimula lamang kayong yumaman sa sandaling naging positibo at praktikal ang laman ng iyong isipan at kapag mas tinitingnan mo nang mas maganda ang bawat pangyayari sa inyong buhay, unti-unti na ring didiretso ang sloping Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kana mong palad, hanggang sa unti-unti itong magbalik sa tamang direksiyon— ang pagiging tuwid na Head Line (arrow c.) na nagbabadya ng walang dudang pag-unlad hanggang sa tuluyan na ring yumaman ang inyong pamilya.




Comments