Pagiging ina at asawa, nakatakda sa bebot na kuntentong tumandang dalaga
- BULGAR

- Jan 18, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| January 18, 2021

KATANUNGAN
Masaya na ako sa buhay-dalaga, kaya lang, pinag-aasawa na ako ng mga magulang ko. May mga asawa na kasi ang mga kapatid ko at ako na lang ang dalaga sa amin. Madalas din akong inaasar ng mga officemate ko dahil may hitsura naman daw ako, pero bakit ko raw binuburo ang beauty ko?
May mga manliligaw naman ako, kaya lang, bukod sa wala naman akong type sa kanila, ‘yung iba ay hindi naman talaga seryoso. Parang mas masaya pa ako kapag nag-iisa kaysa may kasamang asungot na lalaki sa buhay ko.
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil kapag tiningnan mo ang reyalidad, mahirap din naman talagang tumandang dalaga. At isa pa, parang masaya kapag may baby kang kinakarga o inaalagaan.
Sa palagay mo, Maestro, okey bang ‘wag na akong mag-asawa o mas maganda na magka-baby na lang? Maestro, makapag-aasawa pa ba ako o dapat ko nang ihanda ang aking sarili sa pagtandang dalaga at mag-aampon o manghihiram na lang ako ng pamangkin para may mag-alaga sa akin kapag matanda na ako?
KASAGUTAN
Siyempre, masarap magka-baby, higit lalo kung sa mismong sinapupunan mo nanggaling ang malusog na sanggol upang maranasan mo ang sinasabi nilang “Joy of being a mom!”
Sa totoo lang, masarap maging isang ina— mag-alaga, kumarga, maghele at magpasuso ng isang sanggol, na kapag minamasdan mo habang siya ay yakap-yakap at natutulog ay masasabi mo sa iyong sarili na, “Sa akin talaga ito nanggaling at kamukhang-kamukha ko siya.”
Samantala, kapansin-pansin ang medyo napadulo pero nanatili pa ring malinaw at matatag na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na kahit medyo parang ayaw mo, natatakot ka, at medyo hindi ka komportable kapag nagka-boyfriend ka at nag-asawa, wala ring magagawa ang kahinaan ng loob at pag-aalala. Dahil tulad ng nasabi na, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, isang lalaking balingkinitan ang pangangatawan, medyo kasing-edad mo rin ang darating, liligawan ka niya at dahil sa panahong ‘yun ay masyado ka na ring pine-pressure ng mga nasa iyong paligid na mag-asawa, sa maikling panahon ng kanyang panliligaw, sasagutin mo siya at tuluyan na ring mabubuo ang isang seryoso at maligayang pagmamahalan na hahantong sa isang mabilisan, pero pinaghandaang pagpapakasal.
MGA DAPAT GAWIN
Ms. Pisces, bagama’t relaks at kampante na ang buhay mo kahit wala kang boyfriend dahil may trabaho ka naman at wala kang gaanong pinoproblema sa buhay, pero alalahanin mong hindi nananatiling bata at malakas ang iyong pangangatawan. Darating ang panahong tatanda ka at kapag medyo nagkaka-edad ka na at may mga sakit nang nararamdaman, saka mo maiisip ang katotohanang mas okey mag-asawa para may makasama ka sa iyong pagtanda.
Base sa iyong mga datos, nakatakdang mangyari sa 2022 sa edad mong 35 pataas ang isang masaya at panghabambuhay na pag-aasawang itatala sa iyong kapalaran. Lilipas ang isang taon pa at sa panahong isinilang na ang panganay n’yong anak at kalong-kalong mo siya, masasabi mong tama si Maestro Honorio Ong dahil walang kasing sarap sa pakiramdam ang dulot na kaligayahan ng pagkakaroon ng unang anak at ang pakiramdam ng isang pagiging ganap na ina.




Comments