Pagiging Aries, dapat manaig para matuloy sa pag-a-abroad
- BULGAR
- Dec 18, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 18, 2022
Dear Maestro,
May aplikasyon ako bilang factory worker sa Taiwan. Balak ko nang mag-resign sa aking trabaho kung sakaling matutuloy ako, pero nagdadalawang-isip ako ngayon dahil natatakot akong hindi matuloy o hindi maging maganda ang buhay ko sa abroad.
Kapag ganu’n ang nangyari, paano pa ako makakabalik sa kasalukuyan kong trabaho? Sa totoo lang, okey naman ang suweldo at maganda na rin ang posisyon ko rito, gayundin, mababait ang aking mga amo.
Ano ba talaga ang nasa kapalaran ko, aasenso ba ako sa pangingibang-bansa o hindi? Pangarap ko rin kasing makapagpundar ng sariling bahay at lupa. March 29, 1995 ang birthday ko.
Umaasa,
Joey ng Bignay, Valenzuela City
Dear Joey,
Ayon sa birth date mong 29 o 2 (2+9=11/ 1+1=2) at sa destiny number mo na nagkataong dos (2) din (3+29+1995=2027/ 20+27=47/ 4+7=11/ 1+1=2), kaya ka namumroblema at naguguluhan kung ano ang nararapat na desisyon ay dahil pinanghihinaan ka ng loob. Nagkataon kasing kapwa weak ang birth date mong 2 at destiny number mong 2. Ito rin ang dahilan kung bakit palagi kang nagdadalawang-isip.
Buti na lang, naging strong ang zodiac sign mong Aries na may ruling planet na Mars. Kapag ang strong na zodiac sign mo ang nasunod o nanaig kaysa sa weak na birth date at destiny number mong 2, tiyak ang magaganap, mapapawi na ang iyong mga pag-aalinlangan. Pagkatapos nito, suwabeng-suwabe ka nang makakapagdesisyon nang eksakto at tama para sa iyong magandang kapalaran.
Kaya ka naguguluhan ngayon ay dahil tulad ng nasabi na, umiiral pa sa iyong pagpapasya ang weak number mong 2. Gayunman, siguradong darating ang eksaktong panahon, lalo na sa panahong ito na “period of zodiac sign na Sagittarius,” higit nang iiral sa iyong pagpapasya ang zodiac sign mong Aries. Kapag ang Aries ang nanaig kaysa sa numerong 2, walang pagdadalawang-isip, bigla kang makapangingibang-bansa sa susunod na taong 2023 at sa buwan ng Marso o Abril.
At upang higit na umiral sa iyong kapalaran at tadhana ang zodiac sign mong Aries sa halip na ang birth date at destiny number mong 2, palagi kang magsuot ng kulay na pula.
Ang nasabing kulay ang mag-aalis ng iyong pag-aalinlangan at pangamba. Kasabay nito, kusang lalakas ang iyong loob upang tuloy-tuloy ka nang sumugod sa pag-a-apply sa abroad.
Sa sandaling nagawa mo ‘yan, kumbaga, ‘pag higit na umiral ang zodiac sign na Aries kaysa sa numerong 2, tulad ng nasabi na, sa susunod na taong 2023, sa Marso o Abril at sa edad mong 28 pataas, nakahanda na ang magaganap — sa bansang Taiwan, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong karanasan.




Comments