Paghinto ng importasyon ng sibuyas, tulong sa mga magsasaka
ni Ryan Sison - @Boses | November 16, 2022
Lahat ay apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin habang palapit ang Kapaskuhan.
Kung umaaray ang mga mamimili, problemado naman ang mga magsasaka dahil imbes na kumita ay nalugi pa dahil sa pagbaha ng mga imported na produkto. Ang ending, natetengga ang mga ani hanggang sa mabulok at hindi na mapakinabangan ang mga ito.
Kabilang ang sibuyas sa mga nagkaroon ng malaking pagtaas ng presyo, kung saan mula sa dating P180 hanggang P190 kada kilo, pumapalo na ito ngayon sa P240 hanggang P260 kada kilo.
Gayunman, ayon sa isang grupo ng magsasaka sa Nueva Ecija, posible umanong bumaba ang presyo ng sibuyas ngayong Pasko kapag nagsimula na ang panahon ng anihan sa Disyembre.
Umaasa rin ang grupo na maganda ang magiging ani ngayong taon, habang binigyang-diin na sa oras na nakakita ng sariwang produkto ang mga mamimili, sigurado umanong bababa ang presyo ng sibuyas.
Gayundin, iminungkahi ng grupo na huwag munang mag-angkat ng sibuyas ang pamahalaan upang mabigyang-daan ang mga suplay sa bansa.
Samantala, nanawagan ang mga magsasaka sa pamahalaan na bigyan sila ng dagdag na tulong upang maiangat ang kanilang kabuhayan. Kabilang na rito ang suplay ng gamit ng mga magsasaka tulad ng mga buto at abono.
Batid nating ilang buwan nang pahirap ang mataas na presyo ng sibuyas, hindi lamang sa mga mamimili kundi maging sa mga magsasaka.
Ngayong Kapaskuhan, asahan na ang pagtaas ng demand ng sibuyas at kung hindi mag-aangkat, kikita ang mga lokal na magsasaka. Gayundin, maiiwasang matengga ng suplay.
Tutal, panahon naman ng ani, bigyan natin ng pagkakataon ang mga magsasaka na kumita at mapakinabangan ang kanilang mga produkto.
Dahil kung bababa ang presyo ng sibuyas ngayong Disyembre, win-win ito sa mga konsyumer at magsasaka. Bagay na malaking tulong sa dalawang panig, gayundin sa sektor ng agrikultura.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments