top of page

Paghahanda sa AFC U-17, Filipinas sasabak sa MIMA Cup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 17, 2024
  • 1 min read

ni Anthony Servinio @Sports | January 17, 2024



ree

Bilang paghahanda para sa kanilang unang paglahok sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Indonesia sa Abril, sasabak ang Philippine Women’s Football National Team sa pagbabalik ng 2024 MIMA Cup ngayong Pebrero 5 hanggang 8 sa San Pedro del Pinatar, Espanya.  Nakatakdang harapin ng Filipinas ang mga bigatin ng Europa na Inglatera, Scotland at Sweden. 


Unang haharapin ng mga Pinay ang Inglatera sa Pebrero 5 habang maglalaro ang Scotland at Sweden.  Paglalabanan ng mga magwawagi ang kampeonato sa Pebrero 8 pagkatapos ng Battle For Third. 


Huling ginanap ang MIMA Cup noong 2022 kung saan nagkampeon ang Poland laban sa Canada, Belgium at Sweden.  Ang torneo ay pinapalakad ng IAST Sports, ang parehong grupo sa likod ng 2023 Pinatar Cup na nilahukan ng Pilipinas bago sila naglaro sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa New Zealand. 


Gaya ng Pilipinas, ginagamit ng kanilang mga makakalaro ang torneo bilang paghahanda para sa 2024 UEFA Under-17 Women’s Championship sa Mayo.  Ang mga continental championship ay magsisilbing qualifier para sa 2024 FIFA Under-17 Women’s World Cup sa Dominican Republic ngayong Oktubre. 


Hindi pa ginaganap ang bunutan para sa Asian Cup subalit naghahanda ang Filipinas na laruin ang defending champion Japan, Hilagang Korea, Tsina, Timog Korea, Thailand, Australia at host Indonesia.  Tanging ang unang tatlo lang ang tutuloy bilang kinatawan ng Asya sa World Cup. 


May balak na magdaos ng ilan pang mga FIFA Friendly o lumahok sa isa pang torneo sa Marso.  Gaganapin ang Asian Cup mula Abril 7 hanggang 20 


Samantala, sa Enero 20 ang huling araw ng pagsumite ng listahan ng manlalaro para sa 2024 Philippines Football League (PFL).   

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page