top of page

Paghahanda para sa MATATAG K-10 curriculum, aarangkada na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 31, 2023
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 31, 2023

Bilang paghahanda sa pagpapatupad ng MATATAG K to 10 curriculum sa susunod na taon, mahalaga na ngayon pa lang ay paigtingin na ang mga angkop na pagsasanay at edukasyon ng ating mga mag-aaral at guro lalo na’t nakasalalay sa kanila ang tagumpay at epektibong pagpapatupad ng bagong kurikulum.


Inaasahang magsisimula ang rollout ng MATATAG K to 10 curriculum sa School Year (SY) 2024-2025 para sa Grade 1, Grade 4 at Grade 7. Matapos nito, ang iba pang mga grade levels sa mga susunod na school year hanggang 2028.


Mainam rin na ngayong school year isasagawa ang pilot implementation ng MATATAG K to 10 curriculum sa mga piling paaralan upang lalo pang maayos ang curriculum.


Sa pagsisimula ng klase para sa SY 2023-2024 sa mga pampublikong paaralan, inaasahang hudyat na rin ito ng pag-angat sa kakayahan o performance ng mga mag-aaral, lalo na pagdating sa foundational skills tulad ng literacy at numeracy. Ayon sa World Bank, umabot na sa 91% noong Hunyo 2022 ang learning poverty sa bansa.


Kaya naman sa kabila ng pagpapatupad ng DepEd ng mga learning recovery programs tulad ng National Learning Camp, mahalaga na tutukan nating maigi ang nahihirapang mga estudyante sa pag-aaral lalo na pagdating sa kanilang foundational skills.


Sa ilalim ng iminumungkahi nating Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Senate Bill No. 1604), isinusulong dito ang masusing pagbuo at pagpapatupad ng national learning recovery program upang matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19, kabilang na ang learning loss. Kasama sa mga target ng programa ang mga mag-aaral na hindi naabot ang minimum proficiency levels sa Language, Mathematics at Science.


Sa ilalim din ng panukala ay makatatanggap ang mga mag-aaral ng mga sistematikong tutorial sessions at mga intervention plan.


Sa madaling salita, titiyakin na makatatanggap ang mga estudyante ng sapat na oras para sa pag-aaral, matututunan nila ang mahahalagang learning competencies, at makakahabol sila sa kanilang mga aralin.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page