top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Paghahanda ng healthcare system, good job!

BULGAR
Jun 28, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | June 28, 2022


Inihahanda na ng Department of Health (DOH) ang healthcare system ng bansa kung sakaling dumami ang ma-o-ospital sa gitna ng pagtaas ng bilang ng bagong COVID-19 cases.


Gayunman, ipinaliwanag ng DOH na nananatiling mababa ang hospital utilization rate dahil karamihan sa mga nagpopositibo sa virus ay mild hanggang moderate lamang ang mga sintomas.


Base sa datos ng ahensya, nasa 17.7% ang bed utilization sa buong bansa o katumbas ng 5,279 kama ang okupado sa 29,701.


Samantala, naniniwala ang DOH na dumarami ang mga kaso ngayon dahil sa pagpasok ng mas nakahahawang subvariant ng omicron, humihinang bisa ng bakuna at ang hindi pagsunod ng mga tao sa minimum public health standards.


Sa pagtaya ng ahensya, bumaba nang 21% ang pagsunod ng publiko sa health protocols sa mga nakalipas na linggo.


Magandang hakbang na ngayon pa lang ay inihahanda na ang healthcare system dahil patunay lamang ito na natuto na tayo mula sa mga nakaraang pagsubok dahil sa pandemya.


Batid nating ang kahandaan ng health workforce ang pinakamagandang tugon sa COVID-19, gaanuman karami ang hawahan sa bansa.


Sa ngayon, bukod sa paghahanda ng mga pagamutan, sana’y matutukan din ang pagbabakuna laban sa sakit.


Tulad ng sinabi ng DOH, kabilang sa mga dahilan ng mataas na bilang ng hawahan ang humihinang bisa ng bakuna.


Nauunawaan nating ginagawa ng gobyerno ang lahat upang mapataas pa ang bilang ng mga nagpapabakuna, pero sana, kaunting bilis pa.


Kung mas maraming mapoporteksyunan kontra COVID-19, mas mababang tsansa na magkaroon ng punuang mga pagamutan sa mga susunod na linggo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page