Paggamit ng plastik, bawas-bawasan na!
- BULGAR

- Feb 6, 2021
- 1 min read
@Editorial | February 6, 2021
Talagang namayagpag ang online selling sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Unang-una, bawal lumabas kaya isa sa madaling paraan para makabili ng mga pangangailangan ay ang um-order online. Pangawala, silang mga nawalan ng trabaho o nangailangan ng dagdag na kita ay nag-online selling na rin.
Gayunman, kasabay nito ay ang grabeng paggamit ng plastik sa packaging. ‘Yung tipong maliit lang ang in-order nating produkto pero grabe ang pagkakabalot sa bubble wrap, inikutan pa ng sangkatutak na scotch tape saka isinilid sa oversized na plastic pouch.
Kaya nais din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na siyasatin ito.
Isipin natin, kung ang new normal ay ang pamimili na online, gaano karaming plastik kaya ang magagamit at mababasura?
May panukala na gayahin ang ginagawa ng mga e-commerce sites sa ibang bansa kung saan cardboard boxes ang ginagamit sa kanilang shipment at hindi plastic.
Kamakailan nang tuluyan nang ipatupad ang pagbabawal sa paggamit ng plastic straw at panghalo ng kape, habang patuloy ding isinusulong ang House Bill No. 546, na naglalayong ipagbawal na ang paggamit ng single use plastic.
Sa palagay natin ay kaya namang iwasan ang paggamit ng plastik, kahit unti-unti. Ang mahalga ay huwag natin dedmahin ang isyung ito para hindi umabot sa mas malalang sitwasyon.
Tiyak namang merong alternatibong paraan, kailangan lang aralin at ipatupad nang maayos.


Comments