top of page
Search
BULGAR

Paggamit AI sa pagtaya ng panahon, tiyaking tumpak at epektibo

by Info @Editorial | September 13, 2024



Editorial

Gagamit na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng artificial intelligence (AI) sa pagbibigay ng taya ng panahon sa bansa.


Ito ay upang higit umanong mapabilis ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko sa taya ng panahon na sa ngayon ay halos tatlong oras, pero kapag ginamit na ang teknolohiya ay maaaring tuwing 15 minuto ay maisasapubliko agad ang weather forecast.


Malaki rin umano ang maitutulong ng AI sa pagbibigay ng taya ng panahon sa susunod na 14 na araw kaysa sa kasalukuyang hanggang limang araw lamang.


Ayon pa sa PAGASA, may 11 na lamang na doppler radar ang gumagana buhat sa dating 19 radars dahil karamihan ay nasira na at dapat nang palitan. Kailangan umano ng PAGASA ng 21 doppler radars upang magamit sa pagkilatis ng pag-ulan sa buong bansa para mabigyang impormasyon ang mamamayan mula sa epekto nito at dapat paghandaan.


Sa makabagong panahon, ang teknolohiya ay patuloy na nagiging kasangga sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Posibleng maging isa sa mga pinakakapaki-pakinabang na inobasyon sa sektor ng meteorolohiya ang paggamit ng AI. 


Umaasa tayo na ang hakbang na ito ay hindi lamang mahalaga, kundi magdadala ng mas maraming benepisyo sa publiko. Kung magiging mas tumpak at mabilis ang ulat ng panahon, mas magiging handa ang bansa mula sa anumang banta ng kalamidad o sama ng panahon.


Gayunman, sa kabila ng mga benepisyo, mahalaga ring maisaalang-alang ang ilang aspeto ng paggamit ng AI sa PAGASA. 


Una, ang kailangan ng mga sistema ng AI ay ang patuloy na pagsasanay gamit ang mga makabago at tumpak na datos. Dapat tiyakin na ang data na ginagamit para sa training ng AI ay maaasahan at may kalidad upang hindi makalikha ng maling impormasyon. 


Pangalawa, ang transparency at accountability ay kinakailangan upang masiguro ang tiwala ng publiko. Ang mga algorithm ng AI ay dapat na maipaliwanag sa publiko upang mapanatili ang integridad ng mga ulat sa panahon.


Ang patuloy na pag-invest sa AI at iba pang teknolohiya ay isang malinaw na hakbang patungo sa pagpapabuti ng serbisyo-publiko. Maaari rin itong magbigay ng mga insights na magagamit sa mga long-term climate studies, na mahalaga sa pag-unawa at pagpaplano para sa mga epekto ng climate change.


Sa huli, ang pagsasama ng AI sa meteorolohiya ng bansa ay isang magandang halimbawa ng kung paano maaaring magtulungan ang teknolohiya at agham upang lumikha ng mas ligtas at mas maayos na lipunan. 

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page