top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Pagdami ng Pinoy na may trabaho, patunay na gumagalaw ang ekonomiya

BULGAR
Jan 10, 2023
1 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 10, 2023

Ang naitalang pagtaas ng employment rate sa bansa noong Nobyembre 2022 ay patunay ng economic momentum o muling pagsipa ng ekonomiya.


Ito ang paniniwala ng isang kongresista, kung saan ayon kay Ways and Means Committee Char Joey Salceda, malaking tulong dito ang pagbabalik ng face-to-face activities at consumer spending.


Positibo ang mambabatas sa naitalang year on year increase na 980,000 jobs sa manufacturing sectors dahil isa umano ito sa mga senyales na talagang umuunlad at muling sumisigla ang ekonomiya ng bansa.


Samantala, pinatututukan ng mambabatas ang sektor ng construction at fisheries na nagkaroon ng pagbaba, kung saan base sa ulat, nagkaroon ng 530,000 year on year job loss sa pangingisda, habang 320,000 trabaho ang nawala sa construction.


Matatandaang ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), 2.18 milyon na lamang ang bilang ng mga Pilipino na nasa edad 15 pataas ang walang trabaho noong Nobyembre 2022. Mas mababa ito sa 2.24 milyon na naitala noong Oktubre 2022 at 3.16 milyon noong Nobyembre 2021.


Magandang balita na nakikita at ramdam natin ang paggalaw ng ekonomiya.


Isa rin itong patunay na unti-unti na tayong nakakasabay sa panahon at nakababangon sa pinsala na idinulot ng pandemya.


Kasabay ng pag-usad ng ekonomiya ang panawagan natin sa mga kinauukulan na ipagpatuloy ang paglikha ng mga hanapbuhay.


Sa ganitong paraan, hindi lamang aasa sa ayuda ang mga tao. Gayundin, kapag mas maraming manggagawa, mas mabilis na makababangon ang ekonomiya ng bansa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page