ni Ryan Sison @Boses | July 16, 2024

Dahil sa dumaraming bilang ng mga dayuhang pineke o may palsipikadong Philippine documents, itinuturing na itong isang “national security concern” ng ating bansa.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval, matagal na nila itong nire-raise at nakikita nila bilang isang national security concern ito dahil hindi lang isa ang nahuhuli nila noong mga nakaraan.
Ipinahayag ni Sandoval na sa mga nakalipas na taon ay may 10 dayuhan silang nahuli habang nitong nakaraang linggo lamang ay tatlong foreign nationals ang nakumpiskahan nila na may hawak ng Philippine documents.
Nauna rito, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakadiskubre sila ng
halos 200 pekeng birth certificate na karamihan ay mga Chinese national na inisyu ng civil registry sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
Nakababahala na aniya, na sa tingin ng kagawaran ay isang national security concern ito dahil hindi sila eligible na maging Filipino, habang nawawala sila sa purview ng BI kapag naging Filipino na ang mga ito, at may hawak na Philippine documents.
Gayunman, ipinag-utos na sa kanila ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mahigpit na pagsasagawa ng individual assessment sa lahat ng biyahero na dumaraan sa Immigration.
Paliwanag niya, hindi puwedeng may taga-sagot sila para sa kanilang travel. Individual itong gagawin para makita ang mismong mga dokumento nila at matching sa sinasabi ng mga ito.
At upang matugunan ang sitwasyon, anang opisyal na bagama’t hindi sila naglalabas ng tight restrictions sa mga may hawak ng Philippine passport, pinag-iisipan ng kagawaran ang paglalagay ng “red flags” bilang clue para makatulong sa kanila na mahadlangan o maharang ang mga pekeng “Pinoy”.
Matatandaang ibinahagi na rin ni Sen. Sherwin Gatchalian ang impormasyon mula sa Chinese community na ang tag price para sa pagproseso ng mga pekeng birth certificate, kabilang ang iba pang government ID ay nasa P300,000.
Sinabi pa ni Sandoval na mahirap hulihin ang mga lumalabag na ito dahil sila ay nagtataglay ng “layers and layers”" ng mga kinakailangang dokumento ng Pilipinas na maaari nilang ipakita.
Marapat na sigurong tutukan nang husto ng pamahalaan ang pagdami ng bilang ng mga dayuhang mayroong mga pekeng dokumento ng Pilipinas.
Nagiging threat na rin ito sa seguridad ng bansa na maaaring magdulot ng kaguluhan sa tahimik at payapa nating mga pamumuhay.
Kung iisipin, paano nakakapag-isyu ang mga ahensya ng gobyerno ng IDs, birth certificate, Philippine passport, driver’s license at mayroon pang UMID ID sa mga foreigner samantalang sila ay mga dayuhan lamang kaya talagang nakakaalarma.
Puwede na nga silang tawaging Filipino dahil sa mga dokumentong kanilang ipinakikita kahit sabihin pang peke ang mga ito.
Marahil, kailangan nang mas maghigpit ng mga kagawaran ng pamahalaan sa mga papasok na mga dayuhan sa ating bansa para hindi ang mga ito maka-secure ng anumang dokumento ng Pilipinas.
Kumbaga, huwag nating hayaan o payagan na dumami nang dumami ang pekeng ‘Pinoy’ sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Kommentarer