Pagdami ng kaso ng drunk driving sa NCR, nakakabahala!
ni Ryan Sison - @Boses | September 18, 2022
Bukod sa hindi paggamit ng seatbelt, kabilang sa kadalasang nalalabag na batas-trapiko ay ang drunk driving, partikular sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), nagkaroon umano ng pagtaas sa bilang ng drunk and driving violations, kung saan 16 na ang namamatay.
Base datos, 385 sa 407 ng mga driver na nasangkot sa road crash incidents sa NCR ngayong taon ay nagpositibo sa alcohol intoxication o drug use, kaya naman nagpahayag ng pagkabahala ang LTO sa dami ng insidente sa rehiyon.
Binigyang-diin ng LTO na tugma ang naturang datos sa inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at online surveillance injury system ng Department of Health (DOH), kung saan sinasabing ang pagmamaneho nang lasing ang pangunahing sanhi ng road crashes sa Metro Manila. Gayundin, ang peak hours umano ng aksidente sa rehiyon ay mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw.
Samantala, patuloy na ipinatutupad ng kapulisan, Highway Patrol Group (HPG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang “Oplan Harabas” na layong manghuli ng mga drunk drivers, gayundin ang mga posibleng nasa impluwensya ng droga habang nagmamaneho.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10586, kung ang paglabag ay magreresulta sa homicide, ang lumabag ay mahaharap sa multa na nagkakahalaga ng P300,000 hanggang P500,000, gayundin sa pagsuspinde o pag-revoke ng lisensya.
Batid nating hindi na bago ang mga ganitong insidente, pero nakakalungkot dahil sa kabila ng pagkakaroon ng batas, idagdag pa ang mga paalala at babala, tila hindi natututo ang ilan.
Kumbaga, tuloy sa paglabag hangga’t hindi nasasampolan o naaaksidente.
Marahil, hindi na sapat ang parusang nakasaad sa batas para magtanda ang mga lumalabag. Kaya panawagan natin sa mga kinauukulan, kung kinakailangang patawan ng mas mabigat na parusa, gawin na para hindi tularan ng iba.
Tulad ng paulit-ulit nating paalala, ang pagmamaneho ay hindi prebilehiyo, kundi isang responsibilidad at hindi mapapalitan ang buhay na nawala dahil sa paglabag sa batas-trapiko.
Hindi sapat na marunong lang magmaneho ang isang may hawak ng lisensya, kailangang may alam ito sa batas-trapiko at handang tumalima sa lahat ng pagkakataon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments