- BULGAR
Pagdagdag ng ruta para sa ‘Libreng Sakay’ program, kaya pa ba?
ni Ryan Sison - @Boses | July 7, 2022
Posible umanong madagdagan pa ang libreng bus rides sa mas maraming ruta sa ilalim ng ‘Libreng Sakay’ program.
Ito ang pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr), kung saan makikipagpulong umano si Secretary Jaime Bautista sa mga pinuno ng mga ahensyang may kinalaman dito upang talakayin ang isyu.
Matatandaang noong nakaraang linggo, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng EDSA Carousel bus rides hanggang Disyembre 2022, na unang nakatakdang magtapos sa Hulyo 30.
Kasabay nito, inaprubahan din ng Pangulo ang pagbibigay ng libreng sakay para sa mga estudyante na gumagamit ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Philippine National Railways (PNR) sa pagbubukas ng klase sa Agosto.
Samantala, ipinaliwanag ng DOTr na hindi sustainable ang libreng sakay para sa lahat sa MRT-3 dahil mayroon lamang itong P82 milyong revenue collection noong Enero, habang gumastos ito ng P722 milyon para sa libreng sakay.
Habang hindi maaaring magkaloob ng libreng sakay ang LRT-1 para sa lahat dahil ito’y nasa ilalim ng isang concession agreement sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) at walang kontrol ang pamahalaan sa operasyon at kita nito.
Sa totoo lang, maraming natuwa nang palawigin pa ng Pangulo ang libreng sakay sa EDSA carousel. Ibig sabihin kasi, mas matagal pang mapapakinabangan ng mga komyuter ang programa.
‘Yun nga lang, back to normal na ang sitwasyon para sa ilang komyuter dahil itinigil na ang libreng sakay sa ilang ruta. Kaya naman, kahit malabo pa, maraming humihiling na sana’y muling madagdagan ang mga ruta ng libreng sakay dahil malaking tulong ito para sa kanila.
Naniniwala tayong ginagawa ng mga kinauukulan ang kanilang makakaya upang mas marami pang maserbisyuhan ng naturang programa.
At batid nating hindi ito pangmatagalang solusyon para sa iba’t ibang problema sa sektor ng transportasyon, pero sa pagkakataong ito, sana ay mapagbigyan muna ang mga nangangailangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co