top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pagbubukas ng LRT-1 Cavite ext. phase 1 sa Pasko para bawas-trapik

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 9, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 9, 2024



Boses by Ryan Sison



Good news para sa mga komyuter dahil bubuksan na ang phase 1 ng LRT-1 Cavite Extension bago mag-Pasko o sa fourth quarter ng 2024.


Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, ang first phase ay magkokonekta sa Baclaran Station sa Pasay City patungong Dr. Santos Station sa Parañaque City, kung saan ininspeksyon ng kalihim kasama sina Department of Finance (DOF) Chief Ralph Recto, Parañaque 1st District Rep. Edwin Olivarez, at mga opisyal ng Light Rail Manila Corp. (LRMC) .


Sakop ng Phase 1 ng LRT1 Cavite Extension Project ang unang limang karagdagang stations na sumasaklaw sa mahigit 6 kilometers sa loob ng Parañaque City gaya ng Redemptorist, MIA, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) Asia World, Ninoy Aquino at Dr. Santos. 


Inaasahang magseserbisyo ng hanggang 50,000 pasahero sa pagbubukas nito.

Sinabi ni Bautista na sa 50,000 pasaherong lululan dito, mababawasan ang sasakay sa mga private cars at iba pang public utility vehicles (PUVs), kaya talagang makakatulong ito sa paglutas ng ilan sa mga problema sa trapik. 


Aniya, gagawin din nito ang PITX at ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na mas accessible sa publiko dahil magkakaroon na ng mga istasyon sa mga naturang lugar.


Batay pa sa DOTr, parehong LRT-1 fare matrix ang ipapatupad na ang ibig sabihin, ang pagsakay mula Baclaran hanggang Dr. Santos Station ay nagkakahalaga ng P25.


Ang Dr. Santos Station sa Parañaque naman ay magkakaroon din ng intermodal transport facility para mas madaling makasakay ang mga pasahero papunta at pabalik sa istasyon.


Magiging malaking tulong para sa mga komyuter na hirap sa pagsakay sa araw-araw na pagpasok sa trabaho at eskwela kapag nabuksan na ang first phase ng LRT-1 Cavite Extension. 


Makakaiwas na kasi sa napakatinding trapik habang mabilis at kumportable ang kanilang pagbiyahe.


Bukod sa magbibigay ginhawa ito sa pag-travel ng mga pasahero ay hindi na kailangan pang maglaan ng napakahabang oras para makarating ng mas maaga sa airport at sa bus terminal. 


Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay laging mag-isip ng magagandang programa at proyekto na totoong mapapakinabangan ng mga mamamayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page