Pagbubukas ng 42 pre-pandemic routes, good news!
- BULGAR
- Dec 30, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | December 30, 2022
Magandang balita para sa mga komyuter at tsuper ang pagbabalik ng higit 40 pre-pandemic routes ng mga pampasaherong jeep sa National Capital Region (NCR).
‘Yan ay matapos ibalik ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 42 ruta ng mga pampasaherong jeep sa rehiyon, epektibo mula noong Disyembre 27.
Ayon sa LTFRB, malaking tulong ito sa mga mananakay dahil nakasanayan na nila bago pa ang pandemya.
Sa inilabas na memorandum ng LTFRB, kabilang sa mga binuksang ruta ay San Rafael, Rodriguez, Rizal-Cubao Central Terminal, Novaliches-MRT North EDSA, Pasig-Quiapo, Southmall-Quiapo, Southmall-Lawton, Tandang Sora-TM Kalaw, at Cubao-Marikina.
Samantala, positibo ang tugon ng ilang transport group sa naturang desisyon dahil magandang hakbang umano ito para makabalik sa pamamasada ang ilang jeepney drivers.
Bukod pa rito, maraming mananakay, tsuper at operators ang natuwa sa pagbabalik-ruta ng mga pampasaherong jeep dahil tunay ngang malaking tulong ito para sa kanila.
Para sa mga mananakay, bahagya silang makakatipid sa pamasahe at oras dahil hindi na nila kailangang magdoble-biyahe at pasahe.
Batid nating win-win ang naturang hakbang para sa mga komyuter at tsuper. Pero bago ang lahat, handa na ba tayo sa mga susunod na mangyayari?
May pandemya man o wala, problema na ang trapik. Kaya ngayong unti-unting nakababalik sa dati ang sitwasyon, umaasa tayong nakahanda ang mga kinauukulan na tumugon sa mga anumang puwedeng mangyari.
Tiyakin nating hindi grabeng hirap ang kapalit ng bahagyang ginhawa para sa mga komyuter.
Kaya tulad ng paulit-ulit nating pakiusap, huwag nang paabutin sa 2023 ang problema sa trapik.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments