Pagbebenta ng Registered SIM card, kumakalat
ni Ryan Sison @Boses | April 10, 2023
Ayaw talagang magpaawat ng mga kawatan dahil ang mga rehistrado nang SIM cards ay naibebenta na rin.
Ito ang nangyari sa Makati City, kung saan naaresto ng mga awtoridad ang dalawang indibidwal dahil sa pagbebenta ng mga SIM card na nakarehistro sa ilalim ng fictitious identity.
Batay sa ulat, kinilala ang mga suspek na sina Zhao Jinxing, isang Chinese national, negosyante at isang Pilipino na si Cristobal Cacayurin.
Sinabi ng Southern Police District (SPD) na ang mga naarestong suspek ay nagbebenta ng mga rehistradong SIM card sa mga Filipino at Chinese national.
Ayon kay SPD district director P/Brig. Gen. Kirby John Kraft, mayroon nang batas na umiiral, ang SIM Card Registration Act, kung saan ang sariling SIM card ay dapat na naka-register sa sarili mismong pangalan. Subalit aniya, ang grupong ito ay may hawak na SIM card na nakapangalan sa ibang tao na fictitious at hindi totoo.
Binanggit pa ni Kraft na ang regular SIM card na nabibili ng P45 ay ibinebenta ng naturang grupo sa halagang P1,500 hanggang P2,500 dahil nakarehistro na umano ito at may sariling mobile wallet app. Nakumpiska rin ng pulisya ang 100 rehistradong SIM card at marked money mula sa mga suspek.
Samantala, ito ang unang naiulat na pag-aresto dahil sa paglabag sa Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act.
Itinanggi naman ng mga suspek ang mga paratang.
Anang opisyal, nasampahan na ng kasong violation sa Cybercrime Act of 2012 at SIM Card Registration Act ang mga suspek habang nagsasagawa na rin ng follow up operations ang mga awtoridad para sa umano’y mga kasabwat nito.
Ang SIM Registration Act ay naglalayong wakasan ang mga krimen gamit ang platform kabilang ang text at mga online scam sa pamamagitan ng pag-regulate sa pagbebenta at paggamit ng mga SIM sa pamamagitan ng mandatory registration ng mga end-user.
Nilagdaan ang naturang batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Oktubre 2022.
Hindi talaga matigil ang pandurugas ng masasamang loob basta ang mahalaga sa kanila ay kumita ng pera. Imagine, SIM card lamang ay ibinebenta ng libu-libong piso.
Mabuti na lang at mabilis ang pagresponde ng mga kinauukulan, kaya agad na nadakip ang mga kawatan.
Marahil, dapat tayong maging mapagmatyag at maingat sa gagawing transaksyon. Piliin na lang natin na sumunod sa batas at iparehistro ang ating mga SIM card upang hindi mabiktima ng mga mapagsamantala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments