top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pagbangon ng turismo, ‘wag sabayan ng kapabayaan

BULGAR
Apr 20, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | April 20, 2022


Hindi maitatangging dinagsa ang maraming tourist spots sa nakalipas na Holy Week.


Kani-kanyang bakasyon ang ating mga kababayan — may mga umuwi sa probinsiya at ang iba ay namasyal.


Kabilang sa mga dinagsa ang isla ng Boracay kung saan base sa datos, umabot sa mahigit 21,000 ang turistang bumisita sa isla.


Kaugnay nito, pinaaksiyon ng Department of Tourism (DOT) ang mga kinauukulan laban sa lokal na pamahalaan ng Malay sa lalawigan ng Aklan matapos lumagpas sa carrying capacity ang bilang ng mga turista sa isla ng Boracay noong Semana Santa.


Giit ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, dapat isinaalang-alang ng LGU ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols sa lugar, gayung nananatili ito sa Alert Level 1.


Kabilang aniya rito ang limitasyon ng bilang ng mga turistang kanilang tatanggapin upang hindi ito maging super spreader event.


Kaya naman nanawagan ang DOT sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na agad umaksiyon sa naturang paglabag sa health and safety protocols sa nasabing lugar.


Bagama’t nauunawaan nating nagsisimulang bumangon ang sektor ng turismo mula sa malalang epekto ng pandemya, sana’y mas maunawaan natin na hindi tayo dapat magpabaya dahil tayo rin ang maaapektuhan ‘pag nagkaroon ng hawahan.


Lalo pa’t matatandaang kamakailan ay nagbabala ang Department of Health (DOH) ng posibleng COVID-19 surge sa kalagitnaan ng Mayo.


Kung todo-pakiusap tayo sa taumbayan na maging maingat, dapat pati ang mga nasa gobyerno ay ganundin.


Tulad ng palagi nating sinasabi, hindi porke mas kaunti na ang tinatamaan ng sakit ay magiging kampante na tayo. Sa halip, kailangang mas maingat tayo para iwas-aberya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page