top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Pagbaha ng pekeng gamot, banta sa kalusugan at ekonomiya

BULGAR
Dec 3, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 3, 2022


Matapos magbigay-babala tungkol sa mga pekeng gamot at vitamins na nabibili online, tiniyak ng Food and Drug Administration (FDA) na kumikilos na ang pamahalaan laban sa pagkalat at bentahan ng mga pekeng gamot.


Sa pagdinig sa House Committee on Health, ibinunyag ng isang mambabatas ang ilang insidente kung saan nakasabat ng milyun-milyong pisong halaga ng peke at puslit na mga gamot.


Noong Nobyembre 2021, nakasabat ng mga pekeng gamot ang Bureau of Customs (BOC) na nagkakahalagang P15 milyon. Aabot naman sa P30 milyong halaga ng peke at puslit na gamot na mayroong Chinese characters ang nasabat noong Enero 2022. Habang noong Pebrero 2022, may mga nakumpiska ring pekeng gamot mula sa 13 tindahan sa Maynila at noong Abril, nasabat ang P31.5 milyong halaga ng smuggled goods sa Sta. Cruz, Maynila.


Dahil dito, kinuwestyon ng mga mambabatas kung mayroong ginagawang group effort ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH) at FDA laban sa naglipanang pekeng gamot.


Samantala, siniguro ng DTI na may mga hakbang na sila tungkol dito para mapigilan ang pagkalat ng mga pekeng gamot sa merkado.


Sa totoo lang, malaking hamon para sa mga kinauukulan ang pamemeke ng gamot, lalo pa’t kumakalat ito online. Gayundin, maituturing na banta sa kalusugan at ekonomiya ang pagkalat ng pekeng gamot.


Una, hindi ligtas na inumin ang mga ito at pangalawa, apektado ang sirkulasyon ng mga lehitimong gamot.


Kaya naman pakiusap natin sa mga kinauukulan, ipagpatuloy ang mga hakbang laban sa mga counterfeit at puslit na mga gamot. Umaasa tayong magtutulungan ang mga ahensya ng gobyerno para mapabilis ang pagsugpo sa gawaing ito.


Hindi lamang kaligtasan ng taumbayan ang nalalagay sa alanganin kundi maging ang bentahan ng mga lehitimong gamot.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page