top of page
Search
  • BULGAR

Pagbagsak ng PhilHealth, isisi sa mga tiwaling opisyal, hindi sa pandemya!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 8, 2020


Nagsimula na ang pagdinig sa Senado sa umano’y malawakang katiwalian sa Philhealth.


At sa unang araw pa lang ay kumulo na ang dugo ko. Sino ba naman ang hindi manggagalaiti sa pahayag na may 5-K miyembro diumano sila na edad 130 at hindi nila matiyak kung buhay pa ang mga ito?


Ano’ng klaseng pahayag ‘yan, na nanggaling pa mismo sa presidente ng Philhealth na si Ricardo Morales? Kung nakitang ganu’n na katanda ang edad ng miyembro, bakit hindi inimbestigahan? Gaano ba kahirap puntahan sa tahanan at kumpirmahin kung buhay pa nga? Kung nasa 100 taong gulang na ito, malamang ay hindi na siguro ito basta namamasyal.


Samantala, wala raw silang dokumento na nagsasabing patay na ang miyembro. Ano’ng klaseng sagot ‘yan? Kung wala palang makukuhang dokumento, pababayaan na lang nilang “tumanda” hanggang 200 taon bago sila magtaka?


Magkakamot ka rin ng ulo sa sagot ni Morales na kaya diumano nila kailangan ang IT System Development Program na naghahalagang P2.1-B ay para matiyak ang identity ng miyembro sa pamamagitan ng biometrics. Pero may problema sa proyektong ito na sinita na ng COA.


Ang nagkakahalagang P62, 424 ay pinresyuhan diumano ng P320, 000. Ganu’n na ba kaengot ang tingin ng mga opisyal nito sa mga Pinoy, na kayang palusutin ang ganyang presyo?


Lumabas din ang mga pinapaborang ospital, na nabibigyan agad ng tulong ng ahensiya kahit hindi kuwalipikado. May nakalaang pondo para sa mga ospital na maraming kaso ng COVID-19 pero ang nabibigyan pa umano agad ay mga ospital na iisa lang ang kaso.

Hindi natin alam kung ano ang kinabukasan ng ahensiya kung ganito na tila may kani-kanyang kampo ang sangkot sa katiwalian. Aakusahan ang kabila pero may kuwestiyonable rin sa panig ng isa.


May opisyal pang nagpahayag na baka hanggang isa hanggang dalawang taon na lang ang buhay ng naturang ahensiya kung magpapatuloy ang pandemya. Bakit ang pandemya ang sinisisi kung napakaraming isyu ng korapsyon? Hindi ba sabi nila, kung militar ang hahawak, malilinis na ‘yan? Pero mukhang hindi rin pala. Kaliwa’t kanang ang akusasyon sa mga opisyal ng ahensiya mula sa COA, PACC at mga dating opisyal.


Tatlumpu’t anim na opisyal ang pinakakasuhan ng PACC, mangyari kaya? Gayundin, matanong lamang natin, ano na ang nangyari sa mga sangkot sa “ghost dialysis”? Sana ay may mga lumantad pa at magbigay ng testimonya para masalba ang Philhealth.


Sa kabila nito, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may tiwala pa siya kina DOH Sec. Francisco Duque at Philhealth President Morales. Wala pa naman yatang “whiff of corruption”, ‘di ba?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page