ni Eli San Miguel @News | Nov. 24, 2024
VP Sara Duterte - OVP
Ilang mga lider ng Kamara ang nagpahayag ng suporta kay Speaker Martin Romualdez nitong Linggo, at tinawag ang mga kamakailang pahayag ni Bise Presidente Sara Duterte bilang isang desperadong hakbang para ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga isyu kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng kanyang tanggapan.
Sa isang pahayag, binigyang-diin nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speaker Jay-jay Suarez, at Majority Leader Mannix Dalipe na palaging may transparency sina Romualdez at ang Kamara.
Ito’y kasunod ng kontrobersyal na pahayag ni Duterte na inutusan umano niya ang isang tao na patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Romualdez kung magtagumpay ang diumano’y balak laban sa kanya. Nauna ring sinabi ni Duterte na nais umano ni Romualdez na siya’y mamatay.
“‘Yung mga paratang ni Vice President Duterte, istorya, drama, at budol-budol lang ‘yan. Sanay sila diyan, eksperto sila diyan sa budol-budol,” ani Suarez.
“Diversionary lang ‘yun sa ‘di maipaliwanang na paggastos ng P612.5 million na confidential funds na tinanggap ng OVP (P500 million) and Department of Education (DepEd) noong siya ay education secretary pa,” dagdag pa niya.
تعليقات