Search
  • BULGAR

Pagbabalik-pasada ng pampublikong sasakyan, sinabayan ng pagtaas ng presyo ng gasolina, tsk!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 30, 2020


Simula kahapon ay pinayagan nang bumiyahe ang mga UV Expess.


Kasabay nito ay mahigpit na ipinatutupad ang mga health protocols, tulad ang pagsusuot ng facemask ng mga pasahero, hindi sila dapat magkakatabi o kailangan ang social/physical distancing at hangga’t maaari ay eksakto bayad ng mga pasahero nang sa gayun wala nang suklian o maiwasan ang palitan ng pera.

Hindi sila papayagang bumiyahe o bumaybay sa EDSA at Commonwealth Ave. kaya para sa mga nasanay sa medyo magaang daloy ng mga sasakyan noong mga nakaraang linggo, maghanda tayo sa mga susunod na araw.


Paghandaan na rin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina sapagkat magtataas na naman ito kung saan tila hindi na tumigil linggu-linggo.


Samantala, bagama’t nagpahayag na ang Department of Transportation (DOTr) na muling papayagan ang mga tradisyunal na jeepney sa muling pagbabalik-pasada, hanggang ngayon ay wala pang itinakdang petsa kung kailan ito mangyayari.


Samantala, may ilang barangay naman ang muling isinailalim sa lockdown ng kani-kanilang mga lokal na pamahalaan dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19.


Ayon sa World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ang may pinakamabilis na pagdami ng kaso sa kanlurang Pacific mula nang sumailalim sa general community quarantine (GCQ) ang ating bansa.


Sa totoo lang ay nakababahala ang ulat na ito kung saan habang tumatagal ay tila mas mabilis ang pagdami ng mga kaso nito. May pangamba man ang marami na lumabas ng kani-kanilang tahanan, wala naman silang magawa dahil kailangan. Hindi puwedeng tumigil sa trabaho dahil ang mga bayarin ay patuloy na dumarating.


Sa ngayon, kailangan natin ang hindi lamang doble, kundi tripleng pag-iingat. Sundin ang mga health protocols upang mula sa pag-alis hanggang sa pagbalik natin sa ating mga tahanan ay ligtas tayo sa banta ng namamatay na virus.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.