Pagbaba ng bilang ng quarantine violators, tuloy-tuloy na sana
ni Ryan Sison - @Boses | May 5, 2022
Iniulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bumaba ang bilang ng mga lumalabag sa minimum public health standard kontra COVID-19.
Ito ay kasunod umano ng pagpapaigting ng Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensiya sa pagpapairal ng COVID-19 health protocols.
Mula sa dating 84,969, bumaba sa 30,154 ang mga lumalabag sa pagsusuot ng facemask. Ang paglabag naman sa mass gathering ay bumaba sa 200 mula sa dating 724. Habang ang paglabag sa physical distancing ay bumaba sa 2,168 mula sa 9,057.
Matatandaang kamakailan, inatasan ng DILG ang kapulisan na paigtingin ang pagpapatupad ng health protocols matapos makapagtala ng pagtaas ng mga paglabag dito.
Bagama’t may mangilan-ngilan pa ring paglabag, sana’y bumaba pa ito hanggang sa wala nang maitala.
Ganito ang mangyayari ‘pag nakikiisa ang taumbayan sa mga hakbang ng pamahalaan sa halip na maging dagdag-problema.
Kaya naman hangad nating magtuluy-tuloy pa ito dahil kung tutuusin, malaking tulong ang pagsunod sa health protocols sa pagbaba ng COVID-19 cases.
Tulad ng paulit-ulit nating paalala at pakiusap, magkusa na lang tayo sa lahat ng pagkakataon. Huwag na nating hintaying masita tayo bago sumunod sa mga protocols.
Maliit na bagay ito para sa atin, ngunit malaking tulong para sa lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments