'Pag walang ideolohiya, walang direksyon ang bansa
- BULGAR
- May 19, 2022
- 1 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | May 19, 2022
NATAPOS na ang kampanyahan para sa magiging lider ng bansa at mga komunidad
Pero nakarinig ba kayo tungkol sa ideolohiya?
Malungkot ang sagot: Wala.
◘◘◘
KAPAG walang niyayakap na ideolohiya ang mga lider, walang direksyon ang isang bansa.
Iyan mismo ang pinakaugat ng problema.
◘◘◘
HINDI lang ang mga lider ang walang ideolohiya, bagkus maging ang mga mamamayan.
Ibinibinhi at ipinayayabong ang ideolohiya mismo mula sa kultura.
◘◘◘
KAPAG walang kulturang niyayakap, paano makabubuo ng isang epektibo at makamandag na ideolohiya ang isang nasyon?
Sa totoo lang, may mga ideolohiyang nagtutunggalian sa ating lipunan.
◘◘◘
MAY mga ideolohiyang nagbanggaan sa lipunan, ang problema, hindi ito ganap na nauunawaan ng mga mamamayan.
Maging ang mga opisyal ng gobyerno o kahit abogado ay kapos sa pang-unawa kung ano ang ideolohiya.
◘◘◘
HINDI kailanman, magkakaroon ng radikal na pagbabago, kapag ang isang lipunan ay walang niyayakap na ideolohiya.
Ang ideolohiyang ganap na maka-Pilipino ang siyang gamot at solusyon sa lahat ng problemang panlipunan kasama na ang korupsiyon
at krisis sa ekonomiya
◘◘◘
TINATAYA na tatagal pa ang giyera ng Ukraine at Russia
Ideolohiya rin ang ugat nito.
◘◘◘
HINDI rin mareresolba ang world economic war.
Dahil din ito sa nagtutunggaliang ideolohiya ng malalaking bansa.
◘◘◘
ANG ideolohiya ay isang kapsulang solusyon na dapat lunukin ng bawat mamamayan.
Pero bago lunukin ang kapsula, dapat maunawaan ang mga sangkap at sustansyang nakasiksik sa loob nito.
◘◘◘
OPO, kailangan ang isang lider na may
karisma na magsusulong ng isang ideolohiya na yayakapin ng mga Pinoy.
Isang paghamon ito kay President-elect Bongbong Marcos na pamunuan ang pagpapayabong ng isang ideolohiyang ganap na maka-Pilipino.
Kaya ba niyang maging lider tungo sa isang bagumbagong lipunan sa ating henerasyon?








Comments