Search
  • BULGAR

Pag-verify ng hulog sa SSS, online na!

@Buti na lang may SSS | March 14, 2021


Dear SSS,


Nais ko sanang i-verify ang aking hulog sa SSS, subalit wala akong oras upang magsadya sa branch. Mayroon bang paraan na ma-verify ko ang aking hulog ng hindi kinakailangang magsadya sa inyong sangay? – Sally


Sagot


Unti-unti nang inililipat ng SSS ang iba’t ibang transaksiyon nito gamit ang online platform tulad ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website. Kaya hinihikayat natin ang mga miyembro na magrehistro sa My.SSS para mas mabilis at mas ligtas na paraan ng pakikipagtransaksiyon sa SSS. Isa sa mga transaksiyon na maaaring gawin gamit ang My.SSS ay ang pag-verify ng iyong hulog sa SSS. Gamit ang nasabing platform ay maaaring makita kung updated ba o nai-post na ang hulog sa SSS.


Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaaring magtungo sa ating website at i-click ang “MEMBER.” Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang iyong pagrerehistro rito. Punan ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistro mong e-mail address ay aktibo at nagagamit mo pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para mai-activate at magamit mo na ang iyong account.


Kung ikaw ay mayroon ng My.SSS account, i-click mo ang “Member.” Mag-login ka gamit ang iyong user ID at password. Sunod, i-click mo ang “I’m not a robot” at i-click mo ang “Submit.” Makikita mo ang mga tab ng “HOME,” “MEMBER INFO,” “INQUIRY,” E-SERVICES,” at “PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN).” Para i-verify ang iyong contribution record, i-click mo ang “INQUIRY” tab. May dalawa kang pagpipilian dito: “Benefits” at “Contributions.” I-click mo ang “Contributions”.


Dadalhin ka nito sa “MONTHLY CONTRIBUTIONS” kung saan makikita ang lahat ng iyong hulog mula sa taon ng unang paghuhulog mo sa SSS. Naka-breakdown ang hulog mo ng kada buwan at bawat taon ng iyong pagiging miyembro sa SSS. Makikita mo rito ang mga buwan na mayroon at wala kang naihulog na contribution. Dahil dito ma-momonitor mo kung nagre-remit o hindi ang iyong employer ng iyong contribution.


At kung mayroong mga buwan na hindi nag-remit ang iyong employer ngunit kinaltasan ka ng SSS contributions, maaari mo itong i-report sa SSS para sa kaukulang aksyon.


Sa ibabang bahagi ng “MONTHLY CONTRIBUTIONS” ay makikita mo ang Total Number of Contributions Posted o ang kabuuang bilang ng buwan na nakapaghulog ka sa SSS. Mahalaga ang bilang ng buwan na iyong naipaghulog sa SSS sapagkat ito ang unang tinitignan kung naabot mo na ang tamang bilang ng buwanang kontribusyon para mag-qualify sa loans at mga benepisyo sa SSS. Makikita mo rin dito ang Total Amount of Contributions o ang kabuuang halaga ng naihulog mo na sa SSS.


Paulit ulit na pinapayuhan ng SSS ang mga empleyado na palagiang i-check ang kanilang contribution record sa SSS upang mabilis nilang mai-report ang anumang iregularidad sa kanilang record.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.