‘Pag rumesbak sa pulitika si ex-P-Duterte, mga cong. kakabugin

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 24, 2023
P-BBM PARANG SIRANG PLAKA, PAULIT-ULIT SA INVESTMENT PLEDGES --Nakabalik na sa bansa si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) mula sa dinaluhan niyang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa United States (US), at tulad ng inaasahan, ibinida na naman niyang “nakapag-uwi” raw siya ng $672 million investment pledges dahil ito raw ang halagang ipinangako ng mga foreign investor na ipupuhunan sa itatayo nilang negosyo sa Pilipinas.
Nagmimistulang “sirang plaka” ang mga statement ni P-BBM sa paulit-ulit na investment pledges, eh mahigit isang taon na niyang paulit-ulit na sinasabi ito, pero hanggang ngayon wala pa ring foreign investors na nagtayo ng negosyo sa ‘Pinas, boom!
XXX
KAPAG BUMALIK SA PULITIKA SI EX-P-DUTERTE DAPAT NANG KABAHAN ANG MGA PRO-DUTERTE NOON NA MGA ANTI-DUTERTE NA NGAYON -- Nagbanta si ex-P-Duterte na kapag in-impeach daw ng Kamara ang kanyang anak na si Vice President, Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio ay babalik daw siya sa pulitika, kakandidato munang senador sa 2025 election at saka kakandidatong bise presidente sa 2028 election.
Sa totoo lang, sa rami ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ay kapag tinutoo ni ex-P-Duterte na babalik siya sa pulitika ay sure win siya sa pagka-senador sa 2025 election at pagka-VP sa 2028 election, at kapag nangyari ‘yan, dapat nang kabahan ang mga pulitikong dating pro-Duterte, na anti-Duterte na ngayon dahil sigurado, reresbakan sila ng dating presidente, period!
XXX
PANAWAGAN NG MGA CONG. KAY P-BBM NA PAPASUKIN SA BANSA ANG MGA ICC INVESTIGATORS, LANTARANG PAGBANGGA NA KAY EX-P-DUTERTE --
Ang mga kongresistang bumabatikos noon sa International Criminal Court (ICC) dahil nakikialam daw ito sa soberanya ng bansa ay mga nananawagan na ngayon sa Marcos administration na payagan nang makapasok sa Pilipinas ang mga ICC investigators para imbestigahan ang naganap na extra-judicial killings sa bansa sa panahon ng nakaraang Duterte administration.
Kung ganu’n, ‘yung mga anti-ICC noon ay mga pro-ICC na ngayon.
Isa ‘yan sa patunay na lantaran na ngayong binabangga o kinakalaban ng mga dating pro-Duterte si ex-P-Duterte dahil nga wala na ito sa poder, boom!
XXX
TIGILAN NA NG LTFRB ANG JEEPNEY MODERNIZATION AT JEEPNEY PHASEOUT KASI ‘DI NAMAN SILA NA MGA DE-KOTSENG TAGA-LTFRB NAPEPERHUWISYO SA TIGIL-PASADA, KUNDI ANG MAMAMAYAN -- Matapos umpisahan ng PISTON transport group ang tatlong araw na tigil-pasada, nag-anunsyo na rin ang MANIBELA transport group na susundan nila ito, magdaraos din sila ng tatlong araw na tigil-pasada bilang pagprotesta sa traditional jeepney phaseout.
Dapat na talagang tigilan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang isinusulong nilang jeepney modernization program at jeepney phaseout, kasi hindi naman sila na mga taga-LTFRB na de-kotse ang napeperhuwisyo sa tigil-pasada, kundi ang mga mamamayang walang kotse at namamasahe lang, period!





Comments