‘Pag maraming dayuhang turista, maraming trabaho at gaganda ang ekonomiya
ni Ryan Sison @Boses | Enero 31, 2023
Sa layong mapalakas ang turismo sa bansa, inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapatupad ng Value-Added Tax (VAT) Refund Program para sa mga dayuhang turista sa susunod na taon.
Ito ang naging hakbang ni P-BBM, na ayon sa Presidential Communications Office (PCO), kabilang ito sa mga rekomendasyon ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group para palakasin ang pagpasok at paglabas ng mga dayuhang turista na dagdag-kita ng bansa.
Ipinahayag ng PCO na nakatakdang maglabas ng executive order ang Pangulo ng tax refund program, kung saan ipinatutupad na rin sa ibang bansa at inaasahang magiging epektibo ito sa 2024.
Bukod sa VAT Refund Program para sa mga dayuhang turista, inaprubahan din ng Chief Executive ang pagpapalawig ng e-visa para sa mga Chinese, Indian, South Korean at Japanese, at ang pagtanggal ng One Health Pass.
Batay sa report ng Department of Tourism (DOT), nakapagtala ang bansa ng 2.65 million tourist arrivals mula Pebrero hanggang Disyembre 2022, kabilang dito ang 2.02 milyong dayuhang turista at 628,445 Filipino overseas.
Target naman ng DOT ngayong taon, ang 4.8 milyong bisita na posibleng magkaroon ng P2.58 trilyong kita ang Pilipinas.
Napakalaking tulong ang VAT Refund Program ng gobyerno sa ating turismo, lalo na sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Maraming bibisitang dayuhang turista sa Pilipinas habang dolyar ang magiging kapalit nito at higit na kita pa ang papasok sa kaban ng ating bayan.
Gayunman, kailangan pa rin nating maging maingat pagdating sa mga health protocols. Alalahanin natin na nandiyan pa ang COVID-19. Hindi na magiging mabuti para sa atin na muling magkaroon ng surge ng naturang sakit.
Malaking income nga ito para sa bansa, subalit kailangang maprotektahan pa rin ang kalusugan ng mga mamamayan.
Sa kinauukulan, dapat sigurong timbangin at balansehin muna natin ang gagawing mga hakbang bago pa ipatupad upang hindi ito humantong sa pagsisisi sa bandang huli.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments