top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Pag-hire sa ‘di lisensyadong nurse, bad idea

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 22, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 22, 2023


Kung hindi mapipigilan ang patuloy na pag-alis ng mga nars patungo sa ibang bansa dahil sa mas malaking suweldo, posibleng maubos ang mga ito na nagtatrabaho sa Pilipinas.


Ayon sa record ng DOH, mayroon na lang 44,602 na doktor at 178,629 nars sa bansa.


Malayo umano sa nakasaad na may 95,000 lisensyadong doktor at 509,000 na lisensyadong nars ang Pilipinas, batay na rin sa datos ng Professional Regulatory Commission.


Gayunman, aminado ang Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na sa loob ng nakalipas na 2 taon, 40-50% ng kanilang mga nars ang nag-resign para mag-abroad.


Kaya naman, ito umano ang dahilan ng PHAPI para magbigay ng pansamantalang lisensya sa mga nars na hindi pa nakakapasa sa board exams o ‘yung mga hindi pumasa sa unang pagkakataon.


Ito ay para matugunan ang kakulangan sa mga nars at mapanatili ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa bansa.


Isinusulong din ng PHAPI ang mga hakbang upang mapababa ang bilang ng mga nurse na umaalis. Kabilang dito ang pagbibigay ng maayos na pasahod at trabaho para manatili ang mga nars na maglingkod sa Pilipinas.


Samantala, patuloy na pinag-aaralan ang paghahanap ng solusyon upang mapangalagaan ang mga health workers sa bansa, lalo na ang mga nars na kritikal sa pagpapanatili ng kalusugan ng mamamayan.


Sa totoo lang, hindi magandang hakbang ang pagtanggap sa mga nars na hindi nakapasa sa board exams, lalo na’t buhay ng mamamayan ang nakataya rito.


Napakaraming solusyon ang puwedeng gawin upang mapigilan sila sa pag-alis ng bansa, ang unang dapat gawin ay taasan ang sahod at ibigay ang nararapat na benepisyo para sa kanila, hayun naman talaga ang dapat.


Dapat rin na mas tutukan ang examination system para masiguro na handa ang mga nursing graduates, at kung pumasa sila ay masasabi nating handa na sila sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page