'Pag hindi natigil ang korupsiyon, malabong umunlad ang buhay ng mga Pinoy
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 13, 2022
KUNG HINDI MATITIGIL ANG KORUPSIYON, MALABONG GUMINHAWA ANG PAMUMUHAY NG MGA PINOY—Sa latest survey ng SWS, naniniwala umano ang 46% ng mga Pinoy na giginhawa na ang kanilang pamumuhay sa loob ng 12-buwan mula ngayon.
Puwedeng mangyari 'yan kung walang mangungurakot sa pamahalaan, pero kapag hindi napigilan ang korupsiyon, mga buwayang pulitiko at korup na gov't. officials lang ang giginhawa ang buhay at hindi kasama ang 46% Pinoy na na-survey.
◘◘◘
HANEP TALAGA ANG MERALCO—Nag-rollback ng 0.71 centavos per kilowatt hours sa singil sa konsumo ng kuryente ang Meralco ngayong Hulyo 2022.
Napakasuwitik talaga sa pera ng Meralco, mantakin n'yo noong Abril 2022 ay sobrang taas ng singil kung saan 53.63 centavos per kwh ang idinagdag nila sa singil sa konsumo ng kuryente, sinundan pa ng ng dagdag-singil na 39.82 centavos last month (June), tapos ngayon buwan ng Hulyo ay 0.71 ay centavos lang ini-rollback!
◘◘◘
MERALCO AT OIL COMPANIES, PAREHO ANG DISKARTE—Ang Meralco at ang mga oil companies ay iisa lang ang diskarte.
Magpapataw ng sunud-sunod na taas-singil sa konsumo, pero kapag nag-rollback ay kakarampot lang, mga pwe!
◘◘◘
LTO, HANGGANG BABALA LANG LABAN SA MGA FIXERS—Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga fixers na ipakukulong nila ang mga ito kapag nahuling nangraraket gamit ang kanilang ahensya.
Ganyan talaga ang LTO, kada palit ng administrasyon, pabida nila ang pagbibigay-babala sa mga fixers, pero hanggang babala lang naman kasi pagkatapos ng kanilang press release ay balik-operasyon ang mga fixers sa iba't ibang tanggapan ng LTO sa buong bansa, boom!





Comments